Miyerkules, Hunyo 24, 2020

Kantanod

kantanod pala'y panauhing di inanyayahan
tulad ng langaw na naroon sa hapag-kainan
nanonood sa pagkain sa piging at huntahan
nakatanghod sa pulongbayan at mga handaan

siya ba'y gutom na nag-aabang ng makakain
o siya'y matakaw na tiyan niya'y bubusugin
siya ba'y pulubing ang mumo'y kanyang pupulutin
o siya ba'y tirador ng tira-tirang pagkain

siya ba'y mamamahayag na hanap lagi'y presscon
na inaabangan upang makalibre ng lamon
iyang kantanod nga ba'y anak ng pagkakataon
na napapalatak pag nakaamoy na ng hamon

makulit man ang langaw, iyong mauunawaan
na likas na ugali'y dapo ng dapo saanman
ganyan din ang kantanod na nakatanghod na naman
ingat, baka pag nalingat ka'y agad kang mawalan

- gregbituinjr.

kantanod - pang-uri; panauhing di inanyayahan; panonood sa pagkain (mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino, inedit ni Ofelia E. Concepcion, pahina 90)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...