Huwebes, Mayo 28, 2020

Kung kamatayan ko ang mitsa ng kanyang pagbagsak

nagsusulat ako ng tulang sa masa'y may silbi
na sa kaapu-apuhan ay mapagmamalaki
na nakibaka rin sa kalagayang anong tindi
na tuso't gahaman sa tula ko inaatake

diktador man siya o bwitre, tatamaang lintik
pag nagpasya ang pluma ko'y di na patumpik-tumpik
pakikinggan sinumang api sa kanilang hibik
kuhila'y bibirahin sa gawang kahindik-hindik

kung kamatayan ko ang mitsa ng kanyang pagbagsak
dahil sa nilikhang tula laban sa mapangyurak
kung dahil sa kinatha ko, ako'y mapapahamak
tatanggapin ko, basta sa trono siya'y lumagpak

pagkat aking bawat tula'y para sa taumbayan
at para sa pagbabago ng bulok na lipunan
na samutsaring paksa'y aking pinaninindigan
na ito'y katha ng pagtatanggol sa sambayanan

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...