Martes, Mayo 26, 2020

Bukrebyu hinggil sa nobelang tulang ANG MGA ANAK DALITA ni Patricio Mariano

BUKREBYU: Ang nobelang tulang ANG MGA ANAK DALITA
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mapalad akong nagkaroon ng sipi ng mahabang tula nobelang ANG MGA ANAK DALITA ni Patricio Mariano, na isinulat at natapos noong Enero 1907, at isinaaklat noong Disyembre ng 1911. Nabili ko ang aklat na ito noong Disyembre 9, 2019, sa Popular Bookstore sa Lungsod Quezon sa halagang P50.00. Ito'y umaabot ng 64 pahina.

Kung sa Florante at Laura ay may "Sa Babasa Nito" si Balagtas, may "Sa Babasa" naman si Mariano. Mayroon din siyang dedikasyon na may pamagat na "Sa mga binibining manggagawa". Kung ang Florante at Laura ay may 399 saknong, at ang Sa Dakong Silangan ni Jose Corazon de Jesus ay may 443 saknong, binubuo naman ng 364 saknong itong Ang Mga Anak Dalita, na maylabimpitong kabanata. Ang estilo ng nobelang ito ay patula, tulad ng estilo ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas at Sa Dakong Silangan. Bawat taludtod ay may labingdalawang pantig, at may sesura sa ikaanim. Gayunman, kapansin-pansing magkakaiba ang bilang ng taludtod sa bawat saknong.

Nagsimula sa tigaapat na taludtod bawat saknong mula Kabanata 1-7, 11, 13, 16-17 At pagdating na sa Kabanata 8-10, at 12, ay tiglilimang taludtod na bawat saknong. Sa kabanata 14-15 naman ay tigaanim na taludtod naman. 

Halina't ating pagnilayan ang ilang taludtod. Sa Kabanata 5 (Paghabag ng Puhunan), sa saknong 11 at 12 ay ito:

"O gayon na lamang ang pag-alipusta
sa inuupahang mga maralita!
ibayo't ibayo ang dagdag na gawa
at sa upa naman ay baba ng baba."

"Datapwat ang tao'y hindi makadaing
pagkat natatakot na sila'y alisin,
dahil sa maraming kahit na gayonin
ay nakikiagaw, dahil sa kakanin."

Sa pamagat pa lamang ay tungkol na sa buhay ng mga maralita, at inilarawan sa nobela ang unang bahagi ng lipunang kapitalismo. Marami tayong matututunan. Basahin natin ang kabuuan ng tulang nobelang ito at namnamin pa ang tula ni Mariano tungkol sa mga kapatid nating dukha.

* Unang nalathala ang akdang ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2020, pahina 14.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...