Linggo, Mayo 10, 2020

Bakit nga ba marami raw pasaway sa Maynila

Bakit nga ba marami raw pasaway sa Maynila

bakit nga ba marami raw pasaway sa Maynila
habang lockdown, laging iyon ang nababalita
dahil ba pasaway talaga ang taga-Maynila
o malapit kasi roon ang tagapagbalita

palibot ng Maynila ang mayorya ng masmidya
nasa Lungsod Quezon, Pasay, Makati, at saan pa
sa Malabon at Navotas ay swerteng makapunta
sila'y nasa sentro ng pulitika't ekonomya

nasa Maynila ang Malakanyang, ang nasa rurok
ng gobyerno, at pasaway din ba ang nasa tuktok
laki akong Maynila, sa distrito ng Sampaloc
kaya minsan naaamoy ang nakasusulasok

nasa Maynila rin ang matatandang kolehiyo
ang U.S.T., pinagdiwang na'y pang-apat na siglo
ang Letran ngayong apatnadaang taon na nito
pati ang La Salle, Mapua, San Beda, Ateneo

ang Kongreso'y nasa Q.C., Senado'y nasa Pasay
sakop ng Metro Manila, sila rin ba'y pasaway
ang totoo, nasa Maynila ang masmidyang hanay
kaya balita pag nilatag ay pambansang tunay

nasa Maynila ang balita, napapag-usapan
ng mga komentarista sa radyo't pahayagan
magrali sa Mendyola't pambansa na ang latagan
ganyan ang Maynila, na pasaway lang ay iilan

- gregbituinjr.
05.10.2020

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...