Huwebes, Abril 9, 2020

Pasasalamat sa mga frontliners ngayong Araw ng Kagitingan


Pasasalamat sa mga frontliners ngayong Araw ng Kagitingan

Makabagong bayani ang mga frontliners, oo
Anong tindi ng kanilang ambag at sakripisyo
Kahit lockdown ay patuloy ang kanilang serbisyo
At ginamot ang may COVID, tinamaang totoo

Bayani sa naiibang kaharap na giyera
At nagsitulong laban sa sakit na nanalasa
Gumaling din ang iba't may namatay sa kanila
O, mga frontliners, tulong n'yo'y napakahalaga!

Nais naming pagpugayan bawat isa sa inyo
Ginawa n'yo bawat makakaya para sa tao
Buhay ang nakataya, mga bansa'y pinerwisyo
At kayo'y di umatras, bagkus ay kumilos kayo!

Yinanig man ang mundo ng sakit na kumakalat
Ay naririyan kayong ang tulong ay di masukat
Nawa'y di rin magkasakit. Mabuhay kayong lahat!
Itong tula'y bilang taospusong pasasalamat!

- gregbituinjr.
04.09.2020

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagninilay at pagsusulat

PAGNINILAY AT PAGSUSULAT ngayon pa lang nagsisimula ang gabi sa akin matapos ang maghapong pagninilay sa usapin ano nga bang nasa dako roon ...