Biyernes, Abril 10, 2020

Panakip-butas na pagbabago?

PANAKIP-BUTAS NA PAGBABAGO?

I

panakit-butas ang pagbabagong hinain nila
magbago ka na, ang sabi, dahil lang nadakip ka
pinilit kang yakapin ang sistemang isinuka
sinabihang pag lumaya'y magbagong-buhay ka na

dahil natortyur ka't ilang taon din sa piitan
ngayon, laya ka na, sumumpang magbagong tuluyan
bakit? napagtanto mo bang mali ang kinilusan?
o sa sistemang bulok na'y magbubulag-bulagan?

II

dahil lang nagkaasawa, ikaw na'y magbabago?
tanggap na ba ang isinuka mong salitang "lie low"?
na sabi mo nga'y wala sa iyong bokabularyo
ngayon, heto, sistemang bulok na'y yayakapin mo?

sinabi ng asawa mong magtrabaho ka na lang
dahil sa pagmamahal agad tatango ka na lang?
kahit kita mong binubusabos pa rin ang bayan
ay magpapaalipin na sa burgesyang kalaban

III

dahil sinabihan ka ng magulang, tumigil ka!
susunod ka na lang ba, kahit may isyu't problema?
magbubulag-bulagan ka na lang sa nakikita?
dahil ayaw ng magulang mong maging aktibo ka?

nasaan ang prinsipyo mo't layuning sinimulan?
balewala ba lahat ng iyong pinaghirapan?
di pa nananalo'y bakit mo iiwan ang laban?
ano't sistemang bulok na'y yayakaping tuluyan?

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI mababa na naman ang kanyang hemoglobin  di pa abot ng otso, nasa syete pa rin dapat ay dose, ang normal na hemoglobin  kaya...