Linggo, Abril 5, 2020

Pagkatha't pagtatanim sa panahon ng lockdown


Pagkatha't pagtatanim sa panahon ng lockdown

sarili'y inabala ko sa pagkatha ng tula
habang nasa kwarantina pa't minsan ay tulala
habang sa kisameng may butiki'y nakatunganga
habang kung anu-ano na lang ang pinaggagawa

magtanim na muna kaya ng gulay sa bakuran
upang balang araw may gulay kang maani naman
pagtatanim sa ngayon ay sagot sa kagutuman
di na mall ang mahalaga kundi ang kabukiran

sa panahon ng lockdown, halina't tayo'y magtanim
upang sa kalaunan, sa bunga'y makakatikim
magtanim-tanim upang maiwasan ang panindim
lalo na kung ang kasalukuyan ay dumidilim

kaya tutulain muna'y tanim at kalikasan
kailangang maghanda para sa kinabukasan
magtanim kahit sa kaunting lupa sa bakuran
lagyan ng lupa't tamnan din ang latang walang laman

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sana'y wala nang EJK

SANA'Y WALA NANG EJK sana, pag-salvage ay mawala na at walang sinasalbahe sana sana due process ay umiral pa sana walang short cut sa hu...