Lunes, Abril 20, 2020

Ako'y mamamayan ng daigdig

AKO'Y MAMAMAYAN NG DAIGDIG

ako'y mamamayan ng daigdig
laging nakikipagkapitbisig
sa dukha't obrerong nilulupig
sila'y kasama kong mang-uusig
laban sa kuhilang mapanlupig

nakikiisa sa manggagawa
sa misyon nilang sadyang dakila
na bulok na sistema'y mawala
kaisa pati nagdaralita
itatayo'y lipunan ng madla

internasyunalismo ang taglay
adhika'y lipunang pantay-pantay
at mundong makatao ang pakay
proseso'y nirerespetong tunay
pati na karapatan at buhay

hangad ang panlipunang hustisya
mawala ang pagsasamantala
baguhin ang bulok na sistema
organisahing tunay ang masa
anumang bansa nanggaling sila

misyong may isusubo sa bibig
ang dalitang winalan ng tinig
sa pang-aapi'y di padadaig
dahilan ko'y dapat n'yong marinig:
ako'y mamamayan ng daigdig!

- gregbituinjr.
04.20.2020

* "Ako'y mamamayan ng daigdig" - ito ang plano kong gawing pamagat ng susunod kong aklat ng mga tula.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Hemoglobin

HEMOGLOBIN nang dinala ko na sa ospital si misis mababa na pala ang kanyang hemoglobin terminong iyon ay noon ko lang narinig red blood cell...