Biyernes, Marso 13, 2020

Hibik ng isang kulangpalad

nais kong magbaril sa pagitan ng mga mata
upang matapos na ang paghihirap sa tuwina
ngunit pag nangyari ito, ako'y katawa-tawa
pagkat di ito gawain ng isang aktibista

di ba't niyakap ko'y hirap at simpleng pamumuhay
nakibaka, nabugbog sa rali, at nagkapilay
minsan nang nakulong, natortyur, sakbibi ng lumbay
dahil lang sa hirap, ngayon pa ba ako bibigay

pinapataas ko lang ngayon ang sariling moral
ngunit hanggang kailan kaya ito magtatagal
pakiramdam ko'y sampid na di na kayang umatungal
di na mawari bakit di dapat magpatiwakal

tila kakampi ko na lang ay ang aking panulat
puno ng harayang di ko batid saan nagbuhat
ako ba'y hangal na laman ng puso'y di mabuklat
o ako'y inutil na mata'y di na makamulat

- gregbituinjr.
03.13.2020 (Friday the 13th)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pahimakas kay kasamang Rod

PAHIMAKAS KAY KASAMANG ROD (binigkas ng makatang gala sa pugay-parangal) sa iyo, kasama, pagpupugay sa pagpapatibay mo ng hanay sa adhikaing...