Sabado, Nobyembre 30, 2019

Sa Araw ng Dakilang Gat Andres Bonifacio

Muli kami ngayong nagrali bilang pagpupugay
kay Supremong Andres Bonifacio, dakilang tunay
manggagawang nakapula'y kapitbisig sa lakbay
upang ipakita ang pagkakaisa! Mabuhay!

Nakibaka na ang mga Katipunero noon
upang itayo ang bansa, sila'y nagrebolusyon
uring manggagawa'y nakikibaka hanggang ngayon
upang wakasan ang salot na kontraktwalisasyon

upang makalaya sa kuko ng kapitalismo
na dahilan ng pagsasamantala sa obrero
upang magkaisa laban sa burgesya't pasismo
upang itayo ang isang lipunang makatao

Taun-taon, nagmamartsa ang uring manggagawa
sa araw ni Bonifacio, ang bayaning dakila,
bayaning inspirasyon upang ang uri'y lumaya
at matayo ang lipunang pantay-pantay ang madla

- gregbituinjr.
* nilikha ang tula bilang pagninilay sa ika-156 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, habang kasama sa rali ng mga manggagawang bumubuo sa grupong PAGGAWA, Nobyembre 30, 2019, mula Old Senate hanggang Mendiola sa Maynila.






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...