Biyernes, Oktubre 18, 2019

Gisingin ng sining ang bayang himbing

gumagapang ang sining sa himaymay ng kalamnan
upang sariwain ang mga kwento't karanasan
katas ng pakikibaka'y nasa puso't isipan
na inaadhika ang paglaya ng uri't bayan
mula sa pagsasamantala ng tuso't gahaman

gagamitin ang sining upang bayan ay magising
didilat sila mula sa matinding pagkahimbing
aawitan ng mga tinig na tumataginting
tutulain ang talinghaga ng walang kasiping
babakahin yaong bundat na laging nagpipiging

itong sining ang instrumento ng pakikibaka
adhikain ay ipalalaganap sa tuwina
prinsipyo't layunin ay itataguyod sa masa
tutula, dudula, aawit, mag-oorganisa
ililinaw sa madla ang mga isyu't problema

halina't likhain na ang sining para sa madla
mapagpalayang sining para sa nagdaralita
rebolusyonaryong sining ng uring manggagawa
halina't kathain ang sining na mapagpalaya
upang mabago ang lipunang bulok at kuhila

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...