Biyernes, Hunyo 30, 2023

Sa huling araw ng Hunyo

SA HULING ARAW NG HUNYO

katapusan na ng buwan ng Hunyo
aba'y kalahating taon na tayo
kulang pa ba ang sweldo ng obrero
ngayon ba'y kontraktwal pa rin ang uso

at mareregular pa kaya sila
kung dupang pa rin ang kapitalista
kongreso'y tadtad pa ba ng buwaya
trapo'y nang-uuto pa ba ng masa

uso pa rin ang kontraktwalisasyon
kapitalista'y sa ganyan nagumon
sa maralita'y panay ang ebiksyon
at nagpapatuloy ang demolisyon

mga bundat pa rin ang nasa tuktok
habang dalita'y lagi pa ring lugmok
sa kahirapang abot na sa rurok
ah, palitan na ang sistemang bulok

dapat walang pribadong ari't yaman
na dahilan ng laksang kahirapan
dapat walang mahirap o mayaman
dapat pantay ang lahat sa lipunan

dapat magkaisa ang manggagawa
bilang uri, kasama na ang dukha
dapat na sila'y magkaisang diwa
upang bagong mundo'y buuing sadya

- gregoriovbituinjr.
06.30.2023

Huwebes, Hunyo 29, 2023

Sa ika-10 anibersaryo ng aking tatô

\
SA IKA-10 ANIBERSARYO NG AKING TATÔ

"Always Somewhere" ang tanging nakasulat
na tatô sa kaliwa kong balikat
sandekada nang naukit sa balat
kasama sa pagkatha't pagmumulat

nagunita ko kung kailan iyon
Hunyo Bente Nuwebe'y petsa niyon
na kapara ang sukat ng balisong
ang tatô ko'y sampung taon na ngayon

mula sa pamagat ng isang kanta
na ang liriko'y kahali-halina
"I'll be back to love you again" ang isa
at "Always somewhere, miss you where I've been" pa

sa isang kasama ipinatatô
dinisenyo kong may ukit na puso
marahil tanda ng aking pagsuyo
"I'll be back" upang pagsinta'y mabuo

"Always somewhere", maraming napuntahan
may Climate Walk na mahabang lakaran
mula sa Luneta hanggang Tacloban
at Paris, Thailand, Tsina, Burma, Japan

naging laman din ng maraming rali
sa lansangan, bangketa, tabi-tabi
sa maraming isyu'y di mapakali
pagkat tibak na Spartan, ang sabi

bagamat malabo na kung tingnan mo
ay di ko buburahin ang tatô ko
kaakibat na nito'y pagkatao
dahil manlalakbay akong totoo

- gregoriovbituinjr.
06.29.2023

20% discount ng magasin

20% DISCOUNT NG MAGASIN

buti't may twenty percent discount sa Enrich magazine
pag may Mercury Drug SukiCard ka'y tatamasahin
aba'y kinse pesos talaga'y malaking tipid din
sa pasaheng minimum, may tatlong piso ka pa rin

seventy five pesos, glossy, makapal, may diskwento
tiyak na sixty pesos na lang ang babayaran mo
colored pa ang bawat pahina at mga litrato
may dagdag kaalaman ka pa sa mga health issue

buti't magasing ito'y nakita sa Mercury Drug
na naka-displey, sa iskaparate nakalatag
magasing pangkalusugan upang tayo'y tumatag
sa anumang nadaramang sakit ay mapanatag

ang Enrich magazine ay malaking tulong talaga
nang mga usaping pangkalusugan ay mabasa
na pangangalaga sa sarili ay mahalaga
salamat, dagdag kaalaman ay naging pag-asa

- gregoriovbituinjr.
06.29.2023

* mga litrato ay isyu ng May 2023 at June 2023 ng buwanang Enrich magazine

Martes, Hunyo 27, 2023

Huwag mong iwan sa initan ang magnifying lens

HUWAG MONG IWAN SA INITAN ANG MAGNIFYING LENS

huwag mong iwan sa initan ang magnifying glass
o magnifying lens kung ayaw mong masunugan ka
iyan ang payo ng matatanda't isip ay bukas
upang bahay at buhay ay maingatan tuwina

na pag natamaan ng araw ang ubod o gitna
ng magnifying lens at namuro sa isang bagay
tiyak na sisiklab iyon nang walang patumangga
na maaaring ikasunog ng buo mong bahay

ilang beses na bang ang sinding kandila'y naiwan
may namatay nang sa apoy, ang bahay ay natupok
kayraming nagkasunog dahil sa kapabayaan
sa balitang sunog, dapat ganito'y inaarok

upang di ito maulit o mangyari sa atin
kaya dapat makiramdam ka lagi sa paligid
dapat pamilya'y protektahan, ingatan, isipin
maging maagap, upang sa sunog ay di mabulid

- gregoriovbituinjr.
06.27.2023

Brian Jansen Vallejo, 13, Pinoy sipnayanon

BRIAN JANSEN VALLEJO, 13, PINOY SIPNAYANON

sa batang gulang pa lamang na labingtatlo
ay sumikat na si Brian Jansen Vallejo
di lang siya magaling sa mga numero
kundi maraming award pa'y tinanggap nito

sa Sarrat National High School ay estudyante
ng Grade 7, sa numero'y nahilig, sabi
sa mga kumpetisyon talagang sumali
unang gintong medalya nga'y kanyang nadale

sa Thailand International Math Olympiad
pati na roon sa Big Bei Math Olympiad;
Philippine International Math Olympiad
at HongKong International Math Olympiad

taasnoong pagpupugay sa sipnayanon
o mathematician sa kanyang nilalayon
dangal ng paaralan, tunay na may misyon
bukod kay Brian, may pito pang mathletes doon:

Arianne Rasalan, Allen Iver Barroga,
Natalie Balisacan, Zyrene Angelica
Dulluog, Mar Leon Malvar, Maria Cassandra
Duque, Jushiem Barroga ang ngalan nila

sa mga sipnayanon, mabuhay! mabuhay!
paabot nami'y taospusong pagpupugay!
ang sipnayan ay pag-igihan ninyong tunay
at magpatuloy kayo't kamtin ang tagumpay!

- gregoriovbituinjr.
06.27.2023

* sipnayan - mathematics
* sipnayanon - mathematician

Biyernes, Hunyo 23, 2023

Nagdidilim ang langit

NAGDIDILIM ANG LANGIT

nagdidilim ang langit
may parating na bagyo
sakali mang magngalit
dulot nito'y delubyo

ang bubong kung may butas
ay agad nang tapalan
pag umulan tatagas
sa loob ng tahanan

kung babaha, itaas
ang mga kagamitan
magpayong kung lalabas
o magbota rin naman

kung hangin na'y lumakas
at bumuhos ang ulan
sana po kayo'y ligtas
bumaha man sa daan

- gregoriovbituinjr.
06.22.2023

Huwebes, Hunyo 22, 2023

Isang kaso ng OSAEC

ISANG KASO NG OSAEC

isa pang kaso ng OSAEC ang napabalita
Online Sexual Abuse and Exploitation of Children
sa sex video chat, ina'y ginamit ang mga bata
buti't ang nanay, ayon sa ulat, ay nahuli rin

upang magkapera lang, pinagsasamantalahan
ang mga anak, na katwiran, di naman nahipo
ang katawan ng anak kundi pinanood lamang
ganito ba'y tamang katwiran, nakasisiphayo

kayraming ikakaso sa nanay na siyang utak:
Anti-Online Abuse and Exploitation of Children Act,
ang Anti-Child Abuse Law, ang Cybercrime Prevention Act,
pati na Expanded Anti-Trafficking in Persons Act

dapat batid ng mamamayan ano ang OSAEC
ganitong krimen sa batas natin na'y natititik
parang halik ni Hudas ang sa anak binabalik
habang sa pera ng kostumer ay sabik na sabik

- gregoriovbituinjr.
06.22.2023

* mga ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Hunyo 22, 2023, p. 1-2, at Pilipino Star Ngayon, Hunyo 22, 2023, p. 1 at p. 8

Miyerkules, Hunyo 21, 2023

Utitab

UTITAB

sa krosword, luha sa itim ng mata ang utitab
habang sa isang diksyunaryo, uhog ang utitab

may luha sa puti ng mata at itim sa mata
habang ang isa'y salitang gamit sa medisina

magkaiba ng kahulugan, alin ba ang tama
pareho mang likido, iba ang uhog sa luha

gayunpaman, mga ito'y dagdag na kaalaman
sa akda'y magagamit, di man magsingkahulugan

pag nirambol ang UTITAB, makukuha'y BATUTI
di kaya rito galing ang ngalang Huseng BATUTE

makatang may luha sa itim ng mata ang tula
o kaya makatang ito'y uhugin noong bata

ngunit makapagpapatunay ng ganito'y sino
kung utitab ba'y Batute, ay, naisip lang ito

- gregoriovbituinjr.
06.21.2023

* krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hunyo 21, 2023, p.10
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1312

Hina, Hinala, Hinalay

HINA, HINALA, HINALAY

aba'y grabe ang balitang iyon
dalagang labingsiyam na taon
yaong "hinihinalang hinalay
itinali sa puno, pinatay"


sinamantala ang kahinaan
ng mutyang marahil walang muwang
na mangyayari iyon sa kanya
gayong pupuntahan ay pagsamba

bakit kaya ang dalagang iyon
ay pinaslang ng pagayon-gayon
sinumang gumawa'y walang budhi
sa mundo'y di dapat manatili

dapat ang salarin na'y madakip
ang kanyang mundo na'y sumisikip
tiyak, nagmamahal sa biktima
ngayo'y humihiyaw ng hustisya!

- gregoriovbituinjr.
06.21.2023

* ulat at larawan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hunyo 20, 2023

Martes, Hunyo 20, 2023

Di Reyna kundi Diwata

DI REYNA KUNDI DIWATA

di ako mahilig sa reyna ng kanluran
bagamat may reyna tayo sa santakrusan
mas Diwata kung patungkol sa paraluman
na nasa ating katutubong panitikan

sa pagkatha man ng sanaysay, kwento't tula
iniiwasan kong bida yaong kuhila
walang hari, walang pari, walang banyaga
kundi bayani'y katutubo at diwata

tayo nama'y walang kaharian o reyno
na pinamumunua'y karaniwang tao
lipunang makatao'y nais ko sa kwento
at walang uring mapagsamantala rito

katha'y di isang bida kundi taumbayan
ang sambayanang kolektibong lumalaban
binabaka ang mapang-api sa lipunan
naghahandang talunin ang mga gahaman

kaya heto, tumutula na namang muli
para sa isang Diwatang kasamang lagi
sinasaka ang bukirin ng tuwa't hapdi
upang itanim sa lupa'y mabuting binhi

- gregoriovbituinjr.
06.20.2023

Bayad muna bago selfie

BAYAD MUNA BAGO SELFIE

minsan, sumakay ng traysikel puntang Mandaluyong
upang daluhan ang isang tinakdang pagpupulong
may paskil doong unawa kahit ng di marunong
sa traysikel na pag nabasa'y di na magtatanong

imbes na "Bayad Muna Bago Baba" ang mensahe
ay tumataginting na "Bayad Muna Bago Selfie"
baka sa kase-selfie mo'y makalimutan kasi
ang bayad, panay selfie't natutuwa sa sarili

ibig sabihin, presence of mind, dapat laging listo
magbayad ka, di ka sakay ng sarili mong awto
nakasalalay sa bayad ang iyong pagkatao
kung sino ka, ikaw ba'y makatao't prinsipyado

napakapayak ng mensahe doon sa traysikel
subalit tumatagos sa puso't diwa ang paskil
barya'y ihanda bago sa pagse-selfie manggigil
bayaran ang pagsakay, huwag hintaying masingil

- gregoriovbituinjr.
06.20.2023

Lunes, Hunyo 19, 2023

Walang ititira

WALANG ITITIRA

"Walang ititira" sa pagkain
"No Left Over Policy" ang bilin
huwag magtira kahit balat man?
ng saging o buto man ng pakwan?

ang ibig lang sabihin, ubusin
bawat kinuha mong kakainin
ah, dapat pa ba iyang ilinaw
gayong maliwanag pa sa araw

kunin mo lang ang kayang kainin
o pag lumabis, ibigay lang din
sa kasamang sapat lang kumuha
pag binigyan mo, siya'y sosobra

na pipilitin mong ipakain
ang hindi niya gustong kainin
para lamang hindi ka magmulta
sobra mo'y ipapasa sa iba

aba'y matuto kang makuntento
ang kunin mo'y sapat lang sa iyo
huwag kang parang kapitalista
na sa kapwa'y di man lang magtira

- gregoriovbituinjr.
06.19.2023

Itapon ng wasto ang kalat natin

ITAPON NG WASTO ANG KALAT NATIN

nararamdaman natin ang paghibik
ng kalikasang nabikig, natinik
kalat natin sa kanya'y nagsumiksik
na tayo rin naman yaong naghasik

kalat natin ay kanya nang nilulon
habang tayo'y masayang maglimayon
paanong dapat nating gawin ngayon
kundi kalat ay sa wasto itapon

nakakababa ba ng pagkatao
ang mga kalat doon, kalat dito?
gayong may pinag-aralang totoo
subalit plastik at walang prinsipyo?

basura't plastik ay huwag sunugin
iyan ay ganap nang batas sa atin
nabubulok at hindi'y pagbuklurin
ang nabubulok sa lupa ilibing

pag-aralan ang sistemang ganito:
ang di nabubulok ay iresiklo
o kaya'y ibalik nating totoo
ang bote't plastik sa gumawa nito

- gregoriovbituinjr.
06.19.2023

Linggo, Hunyo 18, 2023

Happy Father's Day

HAPPY FATHER'S DAY

isang araw bago kaarawan ni Dr. Rizal
ay Father's Day, kaya mga ama'y ating itanghal
pagkat sila'y nagtrabaho, nagsikap at nagpagal
nang tayo'y mapalaki, mapakain, mapag-aral

paano ba ilalarawan sa mga kataga
ang hirap at sakripisyo ng amang manggagawa
upang tayo'y lumaking marangal at maihanda
sa pagtahak sa landas ng luha, tuwa't paglaya

ating pagpugayan ngayong Araw ng mga Ama, 
sina Tatay, Daddy, Ama, Itay, o kaya'y Papa,
haligi ng tahanan silang katuwang ni Ina
pagkat wala tayo sa daigdig kung wala sila

ating bati: Maligayang araw ng mga Tatay!
at sa lahat ng ama, mabuhay kayo! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
06.18.2023

Sabado, Hunyo 17, 2023

Entrance, Pasukan, Pagserekan

    

ENTRANCE, PASUKAN, PAGSEREKAN

nakikita ng madla ang naroong paabiso
saan ang Entrance, Pasukan o Pagserekan dito
na nasa wikang Ingles, Tagalog, at Ilokano
habang aking binabaybay ang palengke sa Baguio

mahalagang maunawa ang ganitong salita
at ipinatatalastas ang trilingwal na wika
bagamat ang pagserekan nang hinanap kong sadya
sa U.P. Diksiyonaryong Filipino pa'y wala

Entrance, Pasukan, Pagserekan, daling unawain
mumunting salitang mabuting nababatid natin
dayo o katutubo, nagkakaintindihan din
pagkakaisa't unawaan ang hatid sa atin

di maliligaw, salitang Ilokano'y nawatas
kung may pagserekan, ano ang exit o palabas
buti nang may dagdag-kaalaman tayong napitas
na magagamit sa patutunguhan nating landas

- gregoriovbituinjr.
06.17.2023

Talinum pala ang spinach

TALINUM PALA ANG SPINACH

minsang maparaan ako sa palengke sa Baguio
ang tindang spinach ay kinunan ko ng litrato
aba'y talinum pala ito kung tawagin dito
salitang magandang ipalaganap na totoo

lokal na salitang sa pag-akda'y nais gamitin
na nasa U.P. Diksiyonaryong Filipino rin
gulay o dahon itong kaysarap sadyang ulamin
na mailalaga o kaya'y isapaw sa kanin

spinach na pampalakas ni Papay Da Selorman
masarap at pampaganda rin ng pangangatawan
marahil kaya talinum pampatalino naman
na pag inulam ay pampalusog niring isipan

tawag din ay water leaf, aba'y parang naiinom
pampatighaw ng uhaw at pampawi rin ng gutom
gayunpaman ay itutula ko na ang talinum
magtanim nito't baka sa sugat ay pampahilom

- gregoriovbituinjr.
06.17.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Baguio
* talinum - matatagpuan din sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, p. 1215

Biyernes, Hunyo 16, 2023

Telebisyon

TELEBISYON

marahil wala kasing telebisyon
kaya nagagawa ang nilalayon
sinusulat ang mga napapansin
at anumang napagninilayan din

minsan, nakatunganga sa kisame
paksa'y samutsari, di man balanse 
at nakakapagkonsentra talaga
sa pagsulat ng asam na hustisya

buti't walang telebisyon sa bahay
at naisusulat ang tuwa't lumbay
para bang telebisyon na'y balakid
sa nadadalumat, sa nababatid

bagamat minsan, nais kong manood
ng Voltes V na ikinalulugod
upang mabalikan ang nakaraan
ang panahon ng aming kabataan

telebisyon ba'y pampalipas-oras
lalo't di makapili ng palabas
nagti-T.V. rin naman noong araw
nang lumalaban pa si Manny Pacquiao

- gregoriovbituinjr.
06.15.2023

Martes, Hunyo 13, 2023

Bahaw

BAHAW

kaning lamig ay sayang kung di kakainin
kaya bahaw itong aking aalmusalin
kamatis at tuyong hawot ang uulamin
madaling araw natulog kaya puyat din

tanghali nang bumangon dahil nauuhaw
pagkainom saka lang napansin ang bahaw
mamaya na lang ako bibili ng sitaw
o talbos ng kangkong o ng isdang inihaw

kayrami kasing gawain at tinitipa
sa kompyuter na kwento, sanaysay, o tula
at mga ulat sa samahang maralita
na dapat matapos sa panahong tinakda

sa ngayon kailangan ko munang sumubo
upang nararamdamang gutom ay maglaho
bagamat ulam lang ay kamatis at tuyo
ay mabubusog din konti man ang niluto

- gregoriovbituinjr.
06.13.2023

Lunes, Hunyo 12, 2023

Pagkatha

PAGKATHA

oo, katoto, patuloy akong susulat
ng anumang akdang nakapagsisiwalat
ng mga isyu ng masa upang magmulat
na sana balang araw ay maisaaklat

madalas magnilay, minsan lang magliwaliw
pagkatha'y adhikaing di ako bibitiw
na sa kinagiliwan ko'y di magmamaliw
kapara'y tinipong "Alikabok at Agiw"

tinatangka kong isang araw, isang tula
subalit madalas ay di ito magawa
minsan, pagkagising sa umaga'y tutula
habang ang mga alaga'y pinatutuka

kung tatanungin nila anong aking bisyo
ay malinaw sa kanila anong tugon ko:
tumunganga't nilay, magsulat sa kwaderno
di babae, alak, sugal, o sigarilyo

mamatamisin ko pang ang musa'y dalawin
o mga manggagawa't dukha'y bisitahin
mabatid ang mga isyung sumasalamin
sa lipunang kayraming api't hirap pa rin

- gregoriovbituinjr.
06.12.2023

Sa Araw ng Kalayaan

SA ARAW NG KALAYAAN

ang Araw ng Kalayaan sa atin ay pamana
ng mga ninunong kilala at hindi kilala,
ng mga bayaning dinarakila sa tuwina,
dahil laya ng bayan ay ipinaglaban nila

Araw ng Kalayaanmalaya nga ba ang bayan?
bakit dukha'y laksa-laksa? mayaman ay iilan
sa ngalan ng progreso'y sinira ang kalikasan
nagtayo nga ng tulay, bundok ay kinalbo naman

lumaya nga sa mga mananakop na banyaga
ngunit di sa burgesya't kapitalistang kuhila
di pa rin mabayarang tama ang lakas-paggawa
nayuyurakan pa rin ang karapatan ng dukha

may deklarasyon kaya may Araw ng Kalayaan
nariyan pa rin ang mapagsamantalang iilan
Liberty, Freedom, Independence pa ri'y ipaglaban!
hanggang kamtin ang asam na makataong lipunan!

- gregoriovbituinjr.
06.12.2023

Linggo, Hunyo 11, 2023

Mag-ingat sa tibani at/o tibari

MAG-INGAT SA TIBANI AT/O TIBARI

kumpara sa halibyong o fake news ay anong tindi
ng panlilinlang na gawain ng mga tibani
at/o tibari na sa panloloko nawiwili
katulad ng matamis magsalitang trapo't imbi

kapara'y langgam kung magsalita sila't mangako
upang boto nati'y makuha ng trapong hunyango
na pag nanalo na sila'y talagang napapako
sa matamis nilang salita masa'y nabubuslo

gagawin daw bente pesos ang isang kilong bigas
pabababain daw ang presyo ng kilong sibuyas
kalaban daw ng korapsyon at magiging parehas
sila daw ang dapat mahalal pagkat sila'y patas

buti pa ang tibalyaw pagkat totoong balita
at di halibyong o fake news na sadyang mapanira
sa Kartilya ng Katipunan mababasang sadya
yaong: "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa."

tingnan na lang ang kahulugan nila ng progreso
gawin daw ang Kaliwa Dam nang magkatubig tayo
nagtatayo ng tulay kaya bundok ay kinalbo
lupa'y minina upang tao raw ay umasenso

kaya mag-ingat tayo laban sa mga tibani
at/o tibari, kumbaga layon nila'y mang-onse
upang kumita o mahalal, ganyan ang diskarte
pagkat gawain na nilang tao'y sinasalbahe

- gregoriovbituinjr.
06.11.2023

* nasaliksik mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1248    

Sabado, Hunyo 10, 2023

Fourth, di last, Monday ng Hulyo ang SONA

FOURTH, DI LAST, MONDAY NG HULYO ANG SONA

di totoong every last Monday of July ang SONA
di iyon tulad ng laging sinasabi ng iba
lalo't maraming namamatay sa maling akala
sa batas, SONA'y every fourth Monday of July pala

kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
ang gabay na aral sa pagsusuri sa lipunan
minsan ay may fifth Monday, di man madalas, ang buwan
lalo't Monday ay may twenty-nine, thirty o thirty-one

kaya ang SONA ay di laging last Monday ng July
minsan kailangan talaga itong matalakay
nagsusuri lamang tayo pagkat di mapalagay
pag may nagsasabing SONA ay last Monday ng July

ngayong taon nga, SONA'y tumapat ng bente-kwatro
gayong last Monday ng July ay petsa trenta'y uno
dito pa lang ay kita na natin anong totoo
every fourth Monday ng July ang SONA ng Pangulo

kaya dapat paghandaan ang malaking pagkilos
upang ipabatid ang isyu ng obrero't kapos
kung paano bang kahirapan nila'y matatapos
mga panawagan nati'y maunawa'y tumagos

- gregoriovbituinjr.
06.10.2023

Fasten your seatbelt sa tricycle

FASTEN YOUR SETBELT SA TRICYCLE

may istiker sa loob ng traysikel na sinakyan
ang nakasulat: "Fasten Your Seatbelt", talaga naman
tila nasa eroplano o race car nakalulan
gayong wala namang seatbelt nang ito'y aking tingnan

natawa na lang ako o marahil ay natuwa
nang magka-istiker ay dinikit lang doong bigla
kaskasero ba't pinaalalahanan ang madla?
buti nang nag-iingat, wala namang mawawala

dagdag na istiker na lang ang "Bawal Manigarilyo" 
pati himpilam ng mga awit na "Love Radio"
karaniwang panawagan, di lang sa dyip at kanto
may "Fun-alo sa saya" pa sakaling laruin mo

buti't nakarating sa patutunguhan ng ligtas
bagamat walang seatbelt ay walang disgrasya't gasgas
di pala kaskasero, maingat lang at parehas
sa aking kalooban ay may sayang mababakas

- gregoriovbituinjr.
06.10.2023

Biyernes, Hunyo 9, 2023

Libro't tsesbord ang sangkalan sa pagtuturnilyo

LIBRO'T TSESBORD ANG SANGKALAN SA PAGTUTURNILYO

wala nang makitang sangkalan ng patungang tabla
upang pagpantayin ang butas na sadyang nakamarka
para sa bookshelf upang maturnilyuhan talaga
kundi tsesbord at librong isa-isa kong kinuha

maraming salamat sa mga gamit kong nagkalat
na animo'y nagboluntaryong tumulong nga't sukat
diksyunaryo, aklat ng kwento, nobela't alamat
trabaho'y dumali, nag-iisa man akong pangkat

marahil, ginagawa ko'y alam ng mga libro
at ng tsesbord na sa bookshelf sila'y ilalagay ko
upang maging permanenteng tahanan nila ito
kaya tinulungan na ako sa pagtuturnilyo

kayraming karakter na naiisip ang makata
upang maisama sa mga kakathaing akda
salamat sa kanila't pagtulong nila'y dakila
maya-maya lang bookshelf ay mayayari nang sadya

mamayang gabi'y makakatulog silang mahimbing
o habang ako'y himbing, naglalaro sila't gising
bookshelf na tahanan nila'y nanamnaming magaling
pagkat naisalansan sila't di na marurusing

- gregoriovbituinjr.
06.09.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/l2Pctqv_Se/

Pagtuturnilyo ng bookshelf

PAGTUTURNILYO NG BOOKSHELF

bumili ng bookshelf si misis upang may lagayan
ako ng mga aklat na doon isasalansan
upang madaling dalhin ay binaklas sa bilihan
sa bahay, binuo kong muli ang bookshelf na iyan

may padron o pattern sa papel na susundan doon
una munang tinurnilyo ang pinakapundasyon
isusunod ang patungan ng mga libro roon
ay, parang ako'y karpinterong ginagawa iyon

maya-maya lang, buong bookshelf ay matatapos na
basta sundan ang padron sa papel, madali pala
di pa manwal ang screwdriver, pindutin lang siya
at agad magtuturnilyo na siya nang mag-isa

makabagong teknolohiya ngayon ang ginamit
kaya naman aking pulso't kamay ay di sumakit
pagkatapos nito'y iinom ng kapeng mainit
at isalansan ang mga binabasang malimit

- gregoriovbituinjr.
06.09.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/l2yo5BquAz/

Huwebes, Hunyo 8, 2023

Sa sama-samang pagkilos magtatagumpay

SA SAMA-SAMANG PAGKILOS MAGTATAGUMPAY

di ako naghihintay sa sinumang manunubos
na di darating, laksa-laksa ang naghihikahos
na obrero't masang patuloy na binubusabos
katubusan nila'y mula sama-samang pagkilos

sagipin ang uri mula sa pagsasamantala
ng uring kapitalista, elitista, burgesya
mamatay man ako'y may patuloy na mag-aalsa
hangga't may tusong mang-aapi't bulok ang sistema

walang Superman, Batman, Robin, o iisang tao
ang tutubos sa aping uri kundi kolektibo
nilang pagkilos upang pangarap ay ipanalo
maitayo ang asam na lipunang makatao

O, manggagawa't dukha, ngayon ang tamang panahon
upang magkaisang iguhit sa historya ngayon
ang pagbaka't maipagwagi ang lipunang layon
pag watak-watak tayo'y di natin kakamtin iyon

huwag umasa sa manunubos na di darating
na may mahikang lahat tayo'y biglang sasagipin
tanging asahan ay sama-samang pagkilos natin
bilang uri upang makataong sistema'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
06.08.2023

Pangarap

PANGARAP

oo, pinangarap ko ring gumanda yaring buhay
ngunit di pansarili kundi panlahatang tunay
uring manggagawa't dukha'y giginhawa ng sabay
dahil bulok na sistema'y nabaon na sa hukay

yaman sa mundo'y aanhin kung mamamatay ka rin
buti nang may pinaglalaban kang prinsipyong angkin
punong-puno man ng sakripisyo'y may adhikain
upang lipunang makatao'y maitayo natin

at pagka gayon, alam mong nasa landas kang wasto
sayang lamang kung mayaman kang lagi sa kasino
sayang ang buhay kung nagdodroga lang o may bisyo
minsan ka lang mabuhay, kaya tumpak na'y gawin mo

aanhin mo ang magandang buhay kung nangmamata
ng dukha, at sa kapwa tao'y nagsasamantala
gusto mong pulos sarap? ay, sige lang, sumige ka
habang kami'y patuloy sa paghanap ng hustisya

ako'y isinilang na di para lang sa sarili
kundi para sa uri't bayan ay makapagsilbi
ako'y aktibistang Spartan na di mapakali
sa pag-iral ng pagsasamantala't pang-aapi

kaya huwag mong hanapin sa akin ang di ako
o ako'y iuugit mo sa nais mong modelo
tanggapin mong aktibista akong taas-kamao
pagkat ako na'y ganyan, ako iyan, iyan ako

- gregoriovbituinjr.
06.08.2023

Miyerkules, Hunyo 7, 2023

Mabuhay ang mga migranteng manggagawa!

MABUHAY ANG MGA MIGRANTENG MANGGAGAWA!

tinaguriang bayani dahil nagsakripisyo
pamilya'y iniwanan upang makapagtrabaho
ng kung ilang taon sa malayong bansa dumayo
kahit na ma-homesick ay nagsisikap umasenso

nangibang-bayan na't kulang ang trabaho sa bansa
kayraming nilang nagtrabaho para sa banyaga
sa maraming bayan sa kanluran, timog, hilaga
habang iniwanang tiwangwang ang tigang na lupa

huwag lang sa illegal recruiter ay magpaloko
ibinenta ang kalabaw upang ipambayad mo
sa samutsaring papeles o mga dokumento
dito pa lang, nagsakripisyo na silang totoo

lumipat ng lugar nang makapagtrabaho roon
o kaya'y upang sila'y manirahan na rin doon
magandang bukas ang hinahanap ng mga iyon
kaginhawahan ng pamilya ang kanilang layon

oo, magandang buhay ang malimit sinasabi
na marahil di maranasan sa bansang sarili
kaya ang mga migrante ba'y ating masisisi
kung sa ibang bansa na'y naakit sila't pumirmi

pumirmi nang pansamantala o panghabambuhay
pasiya nila iyang di mapipigilang tunay
O, migrante, kami po'y taospusong nagpupugay!
sana, sakripisyo ninyo'y magbunga ng tagumpay!

- gregoriovbituinjr.
06.07.2023

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 7, 2023, pahina 5

Tarang magkape

TARANG MAGKAPE

kaysarap ng tulog ng nakaraang gabi
kaya paggising ngayong umaga'y nagkape
sa dadaluhang pulong ay magiging busy
upang sa obrero't masa'y makapagsilbi

tarang magkape, kumukulo na ang tubig
SULONG patungo sa gawaing kapitbisig
BANGON at sa anumang problema'y tumindig
KAYA MO 'YAN! sa ating kapwa'y bukambibig

magbahaginan ng kinaharap na isyu
suriin ang lipunan paano tumakbo
at magkaisa sa tinanganang prinsipyo
magsikilos tungong lipunang makatao

pagkunutan ng noo ang ating problema
pag-usapan paano kamtin ang hustisya
at pakikipagkapwa'y bigyan ng halaga
habang mainit ang tubig, magkape muna

- gregoriovbituinjr.
06.07.2023

Lunes, Hunyo 5, 2023

Ngayong World Environment Day 2023

NGAYONG WORLD ENVIRONMENT DAY 2023

sa harap ng D.E.N.R, walang nagpo-protesta
nang magtungo ako ng ikasampu ng umaga
kaya pala walang imbitasyon akong nakita
dahil kaya administrasyong ito'y naiiba?

di ba katulad ng nakaraang administrasyon
aba'y kabi-kabila ang mga pagkilos noon
sadyang naghanap ako ng masasamahan ngayon
upang maibulalas ang sa diwa'y mga tanong:

bakit ba progreso'y mapanira ng kalikasan?
kaya raw nagmimina ay para sa kaunlaran
kinalbo ang gubat at pinatag ang kabundukan
iyan ba ang development? progreso nga ba iyan?

matindi na ang pananalasa ng microplastic
sa paligid-ligid, na sa laot pa'y nagsumiksik
di sapat ang paggawa ng ekobrik at yosibrik
upang malutas ang suliraning kahindik-hindik

ngayong World Environment Day, ating alalahanin
sa pagkasira ng kalikasan, anong gagawin
meron nang Right to a Healthy Environment ang U.N.
Rights of Nature pa'y dapat ding maitaguyod natin

mabuhay ang mga nangangalagang katutubo
sa kagubatan, kabundukan, upang di maglaho
mabuhay yaong nakikibakang di humihinto
upang kapaligira'y alagaa't mapalago

- gregoriovbituinjr.
06.05.2023

Mahal, ako'y pauwi na (Sa eroplano, Bidyo 12)

MAHAL, AKO'Y PAUWI NA
(Sa eroplano, Bidyo 12)

"Pauwi na ako," sabi sa isang awit
na sa puso't diwa'y pananabik ang bitbit
di na iniisip kung saan pa sasabit
basta't tungo'y sa mahal na asawa't paslit

sa eroplano'y sumakay tungong Maynila
nang may kasabikang makakauwi na nga
paglalakbay man ay matagal at mahaba
o maiksi man, may saya sa puso't diwa

"Pauwi na ako, mahal" ang aking sabi
sa tanging diwatang talagang kinakasi
huwag lamang sanang matulad sa mensahe
sa awiting "Napakasakit, Kuya Eddie"

tigib ng kasabikang puso'y inihanda
upang di salubungin ng lumbay at luha
upang tanging pagsinta yaong manariwa
at magniig muli ang aming puso't diwa

- gregoriovbituinjr.
06.05.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paglipad ng eroplano mula Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lqwyLL_NGb/

Pagdatal sa NAIA 3 (Sa eroplano, Bidyo 11)

PAGDATAL SA NAIA 3
(Sa eroplano, Bidyo 11)

hapon na nang sa paliparan nakarating
habang nasa isip ang diwatang kaylambing
"baka may tsiks ka roon" ang biro't pasaring
sinabi ko'y wala, at wala ring pahaging

matagal pa ang pag-uwi mula NAIA
lalo't nasa lungsod na, maulan, trapik pa
ito ang nasa isip habang pababa na
tanging bitbit ay karanasa't alaala

pinagmasdan ko ang iba pang eroplano
na aming nadaanan pagkalapag nito 
maya-maya lang, tatayo na kami rito
susunduin ng bus pagbaba namin dito

halos isang oras din yaong paglalakbay
na may kakaibang natutunan ding tunay
mataas pa sa ulap, kaibang palagay
ah, pahinga muna pagkauwi ng bahay 

- gregoriovbituinjr.
06.05.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paglipad ng eroplano mula Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lqwbnfz7jT/

Linggo, Hunyo 4, 2023

Lalapag na ang eroplano (Sa eroplano, Bidyo 10)

LALAPAG NA ANG EROPLANO
(Sa eroplano, Bidyo 10)

naroon pa ring patuloy na nagninilay
ang nasasadiwa'y samutsaring palagay
hanggang eroplano'y naghanda na ring tunay
sa paglapag mula mahabang paglalakbay

inihanda kong muli ang selpon-kamera
upang mismong pag-landing ay mabidyuhan pa
ano nang pakiramdan? saya ba o kaba?
marahil saya dahil makakauwi na

handa nang magbidyo upang may maikwento
anong nasa isip, ano bang naengkwentro
anong nakita habang nasa eroplano
bukod pa sa ngiti ng istewardes dito

"ako'y uuwi na, mahal ko", anang awit
biyahe'y tanghali kaya di na pumikit
at minasdan ang ulap, panganorin, langit,
dagat at kalupaang animo'y kayliit

- gregoriovbituinjr.
06.04.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paglipad ng eroplano mula Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lqhPzEsSQU/

Lugar na mapuno at nagtatayugang gusali (Sa eroplano, Bidyo 9)

LUGAR NA MAPUNO AT NAGTATAYUGANG GUSALI
(Sa eroplano, Bidyo 9)

may lugar pa palang pulos puno sa atin
sa animo'y kalunsurang nakita lang din
sa ere nang minamasdan ang panganorin
lupa'y tanaw, ah, pagbaba'y malapit na rin

katabi lang ng nagtatayugang gusali
ang mapunong lugar, buti't napanatili
animo sa lungsod, gubat ang kalahati
na sadyang nagbibigay ng magandang ngiti

dapat lang pangalagaan ang kalikasan
huwag salaulain ang kapaligiran
huwag kalbuhin ang bundok at kagubatan
mga pinutol na puno'y dapat palitan

iyan ang nasa diwa hinggil sa nakita
nang nasa ere, naninilay ang problema
paano kalikasa'y maprotektahan pa
nang di sirain ng tusong kapitalista

- gregoriovbituinjr.
06.04.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paglipad ng eroplano mula Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lqdBdVe_BP/

Sabado, Hunyo 3, 2023

Tanaw na ang kalupaan (Sa eroplano, Bidyo 8)

TANAW NA ANG KALUPAAN
(Sa eroplano, Bidyo 8)

mula roon sa himpapawid
ay pagkasabik yaong hatid
kalupaan na'y namamasid
malapit nang bumaba'y batid

walang ibong nakasalubong
walang agilang sumusuong
o lawing sa dagat lumusong
o kaya'y bahang nilulusong

tanaw ko na ang kalupaan
nang sa ere'y palutang-lutang
pag iyo namang pagmamasdan
ay tila baga mapa naman

paano ba kami bababa
nang may pag-iingat na lubha
dama sa pagmasid sa lupa
ay di naman nakalulula

kundi kasabikang umuwi
sa asawa't bahay na munti
na ang talagang minimithi
pag-ibig ay mapanatili

- gregoriovbituinjr.
06.03.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paglipad ng eroplano mula Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lnLAsc3bxe/

Pagtitig sa palikpik (Sa eroplano, Bidyo 7)

PAGTITIG SA PALIKPIK
(Sa eroplano, Bidyo 7)

tanging palikpik ng eroplano
ang tiningna't naging patnubay ko
habang naroon sa himpapawid
sa patutunguha'y ihahatid

nasa tabi ako ng bintana
tila baga roon ay napatda
habang tinatanaw ang paligid
habang mga pulo'y tinatawid

baka lang malula akong lintik
kung di ko namasdan ang palikpik
tila duyang hinehele-hele
yaong pakiramdam ko sa ere

walang anumang alalahanin
o kaya't takot sa papawirin
sa pag-uwi'y sadyang nananabik
habang may tulang sinasatitik

- gregoriovbituinjr.
06.03.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paglipad ng eroplano mula Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lnLz7Gl1DK/

Biyernes, Hunyo 2, 2023

Tila babagyo (Sa eroplano, Bidyo 6)

TILA BABAGYO
(Sa eroplano, Bidyo 6)

ah, nangingitim ang alapaap
may unos kayang kinakaharap?
para bang may bagyong magaganap
habang ang danas sa ere'y lasap

animo'y bulak o kaya'y usok
ang kaharap habang pabulusok
tila narating namin ang tuktok
ng mga nagtatayugang bundok

bulak at usok, puti at itim
may maarok kayang anong lalim?
may malantad kaya ritong lihim?
may liwanag ba o pulos dilim?

hintaying tayo'y lumampas muna
sa ulap na maitim talaga
bagyo'y may banta mang manalasa
may panahong makapaghanda pa

- gregoriovbituinjr.
06.02.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lfHGBgwu9G/

Nalalambungan ng ulap (Sa eroplano, Bidyo 5)

NALALAMBUNGAN NG ULAP
(Sa eroplano, Bidyo 5)

animo'y usok sa himpapawid
o nagsulputang bulak ang hatid
na nanagasa o bumalakid
sa landas na yaong tinatawid

marahil dahil inip nagbidyo
o kaya'y dahil interesado
sa agham upang may maikwento
habang sakay pa sa eroplano

tila kinain ng alapaap
ang sinakyang noon pa pangarap
nalalambungan kami ng ulap
sa ere nang wala sa hinagap

minsan lang marating ang itaas
na animo'y uri ng palabas
na isa na lang pangarap bukas
maganda na ring ito'y dinanas

- gregoriovbituinjr.
06.02.2023

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa Mactan airport tungong NAIA, 05.31.2023

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/lfAZ7fYF9A/

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...