Biyernes, Enero 31, 2020

Akala nila'y balisawsaw ako sa taglagas

akala nila'y balisawsaw ako sa taglagas
na sa panahong ligalig ay laging minamanas
na pawang karalitaan na itong namamalas
na alon sa dalampasigan yaong humahampas

akala nila'y balisalang ako sa tag-init
na bumabait pag nakita'y mutyang anong rikit
subalit tinitiis ko lang ang mga pasakit
upang sa gatilyo daliri'y di na kumalabit

akala nila'y balisuso ako ng balita
na batid ko na kung kailan daratal ang sigwa
ang nguso ko'y nangungudngod na sa pagdaralita
subalit sa postura ko'y di ito mahalata

akala nila'y malinaw pa itong balintataw
na lagim at lamig ng kahapon ay pumupusyaw
na kaya pang ilagan ang nakaambang balaraw
habang kinakatha ang isang magandang talindaw

- gregbituinjr.

Dapat ding kumayod upang may pambili ng bigas

di sapat ang maglaba at magluto sa umaga
dapat ding kumayod upang may pambili ng bigas
di na sasapat na kay misis laging nakaasa
dapat na ring may pambili ka ng panggatong o gas

pagtulong sa bahay ay parang panakip-butas lang
dahil sa panggastos sa pamilya'y walang magawa
sa anumang lusak man akin silang igagapang
magsisipag upang itago ang pagdaralita

ngunit maraming umuugit na tanong sa isip:
sa kapitalista ba'y dapat nang magpaalipin?
sa mga trapo ba'y dapat na rin akong sumipsip?
sa gobyerno ba ako'y magiging alilang kanin?

saan na kukunin ang pambili ng malalamon?
pambayad ng upa sa bahay tubig, kuryente, load?
anong payo sa karukhaang dinaranas ngayon?
para bang sa bahang hanggang tuhod ay nalulunod?

- gregbituinjr.

Huwebes, Enero 30, 2020

Ayos lang magpalitrato kahit tatlo

AYOS LANG MAGPALITRATO KAHIT TATLO

bakit sinuswerte ang mga trio sa litrato
may nakikita ba kayong kakaiba sa tatlo?
gayong nakakapagpaligaya sila ng tao
wala bang masama kung tatlo sila sa litrato?

marami kasing pag tatlo ay ayaw magpakodak
malas daw, baka isa sa kanila'y mapahamak
partner daw ang dalawa o apat, parang iindak
ang ikatlong walang partner ba'y gagapang sa lusak?

walang patunay sa ganyang lintik na pamahiin
maraming sikat na trio nga'y naririyan pa rin
silang tatlo ang partner, tatlong magkapalad man din
maraming tatlong nagpalitrato'y ating banggitin:

Barry, Robin at Maurice Gibb ng Bee Gees ay sikat na
dahil sa kanilang nakapagpapasayang kanta
Tito, Vic, and Joey ng Eat Bulaga'y nariyan pa
The Three Stooges: Curly, Larry and Moe ng komedya

nariyan din ang sikat na Apo Hiking Society
ang grupo ng mang-aawit na Peter, Paul and Mary
sikat silang tatluhan, walang trahedyang nangyari
kaya ayos lang magpalitrato, tatlo man ini

sa buhay na ito'y magsikap upang di umalat
upang araw sa silangan mo'y patuloy ang sikat
kaya pamahii'y huwag paniwalaang sukat
pagkat maraming tatlo sa litrato ang sumikat

- gregbituinjr.

Sabik na akong makita ang mga kalapati

sabik na akong makita ang mga kalapati
na dapat lumaya sa hawlang lungkot ang sakbibi
dapat ilipad ang pakpak sa araw man o gabi
pagkat sila'y di dapat sa hawla na'y nabibigti

kalapati'y sagisag ng isang malayang ibon
tulad din ng taong di dapat alipin sa mansyon
malayang gumawa't makahanap ng malalamon
malayang mag-isip, sa hawla'y di nagpapakahon

kalapati nawa'y makalipad sa himpapawid
at mga tali sa paa'y tuluyan nang mapatid
dapat ay malalaya na silang magkakapatid
pagkat sa kapayapaan sila ang tagahatid

o, mga kalapati, patuloy kayong lumipad
kung may natatanaw kayong sa digmaan sumadsad
dalhin sa tao ang kapayapaang hinahangad
at kasakiman sa puso'y durugin at ilantad

- gregbituinjr.

Miyerkules, Enero 29, 2020

Ngayon ba'y kailangan na rin nating mangamuhan?

ngayon ba'y kailangan na rin nating mangamuhan
upang may mailagay tayo sa hapag kainan?
ang pagpapaalipin ba natin ay kailangan
upang nagugutom na pamilya'y kumain naman?

ang buod ba ng buhay ay magkaroon ng pera?
kayod ng kayod upang magkapera ang pamilya?
umiikot ba itong buhay upang magkapera?
upang magkaroon lagi ng panggastos tuwina?

tibak na sa kapitalista'y magpapaalipin?
masisikmura nyo bang ang ganito'y aking gawin?
sa pakikibaka'y isa ba akong palamunin?
dapat kumayod upang sa pamilya'y may gastusin?

di ko na alam kung anong maaasahang tulong
pag si misis na'y nakamurot, ang mukha'y linggatong
patigasan na lang ng mukha kung paano susulong
maglulupa pa ba kahit abutin ng bulutong?

- gregbituinjr.

Ang ulan at araw sa awitin ng Bee Gees at Asin


ANG ULAN AT ARAW SA AWITIN NG BEE GEES AT ASIN
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matalinghaga pag ginagamit sa awitin ang ulan at araw. Tulad ng pagtukoy sa ulan at araw sa awiting "How can you mend a broken heart" ng Bee Gees at sa awiting "Sayang ka" ng Asin. Hindi pangkalikasan ang paksa ng kanilang awitin, subalit ginamit nila ito upang magbigay ng kahulugan sa ating buhay. 

Ang nasabing awitin ng Bee Gees ay tumutukoy kung paano mo nga ba bubuuin ang isang pag-ibig na nalamatan na. May magagawa pa ba upang mabuo muli ang nadurog na damdamin? May pag-asa pa, lalo na't matapos ang matinding ulan ay sumisikat ang araw na nagbibigay ng panibagong buhay. Subalit nabanggit ng ulan at araw sa ilang bahagi ng awit.

Tinukoy naman sa awitin ng Asin na sayang tayo kung hindi natin ginagamit ang ating mga natutunan para sa ikabubuti ng ating sarili, ng ating kapwa, at ng sambayanan. Huwag nating sayangin ang mga talino nating angkin kundi gamitin natin ito upang makatulong at makapagbigay ng ngiti sa ating kapwa.

Kaya ang pagkakagamit ng ulat at araw sa kanilang mga awit ay nagpaganda lalo sa kanilang awit, at mapapaisip ka talaga. Kasama natin ang ulat at araw sa ating buhay, subalit hindi natin napapansin dahil marahil ang mga ito'y pangkaraniwan na lang nating nararanasan. Subalit nasa talinghaga ng ulan at araw natin mas lalong mauunawaan ang awit.

Halina't tingnan natin ang bahagi ng liriko ng dalawang awitin:

Bee Gees - How Can You Mend A Broken Heart 

And how can you mend a broken heart? 
How can you stop the rain from falling down? 
How can you stop the sun from shining? 
What makes the world go round?

Asin - Sayang ka 

Sayang ka kung wala kang nakita sa ulan
Kundi ang basa sa 'yong katawan
Sayang ka kung wala kang nakita sa araw
Kundi ang sunog sa 'yong balat

Maitatanong natin sa ating sarili: Ano ba ang kaugnayan ng ulan at araw sa ating buhay? Paano ba nila ginagamit na talinghaga ang ulan at araw?

Kung ating susuriin, ang ulan ay nagdudulot ng bagyo at pagbaha, na masasabi nating katulad din ng mga problemang ating nararanasan sa araw-araw. Kahirapan, kalungkutan, kawalan ng sapat na salapi upang ipambili ng pangangailangan, kamatayan, pagkabigo sa pag-ibig, nasalanta nang pumutok ang bulkan, at marami pang iba.

Matapos ang matinding kalamidad na dulot ng ulan ay sisikat ang araw sa silangan bilang tanda ng pagbibigay ng pag-asa, na sa kabila ng samutsaring problema, ito'y may kaakibat ding solusyon. Kung may problema sa salapi ay baka magkaroon ka ng trabahong magbibigay ng sapat na sahod upang buhayin ang pamilya. Bihira ang tumatama sa lotto subalit baka pag tumaya ka ay manalo ka ng isang milyong piso. Nabigo ka sa pag-ibig subalit may iba pa palang pag-ibig na nakalaan sa iyo. Namatayan ka subalit siya'y namahinga na at natapos na rin ang kirot ng karamdaman, at natanggap mo na ang kanyang pagkawala sa paglipas ng ilang panahon. Nakatapos ka rin ng pag-aaral at nakatanggap ng diploma.

Ang ulan at araw na mula sa kalikasan ay bahagi na rin ng ating buhay, kaya ang paggamit ng mga ito bilang talinghaga sa mga awitin ay mahalagang unawain. Sabi nga ng bandang Asin, sayang tayo kung wala tayong nakita sa ulan kundi ang basa sa ating katawan, at sayang din tayo kung ang nakita lang natin sa araw ay ang sunog sa ating balat.

Halina't namnamin natin ang kabuuan ng dalawang kanta:

Bee Gees - How Can You Mend A Broken Heart 

I can think of younger days when living for my life
Was everything a man could want to do
I could never see tomorrow, but I was never told about the sorrow

And how can you mend a broken heart?
How can you stop the rain from falling down?
How can you stop the sun from shining?
What makes the world go round?
How can you mend a this broken man?
How can a loser ever win?
Please help me mend my broken heart and let me live again

I can still feel the breeze that rustles through the trees
And misty memories of days gone by
We could never see tomorrow, no one said a word about the sorrow

And how can you mend a broken heart?
How can you stop the rain from falling down?
How can you stop the sun from shining?
What makes the world go round?
How can you mend this broken man?
How can a loser ever win?
Please help me mend my broken heart and let me live again

Source: LyricFind
Songwriters: Barry Gibb / Robin Gibb

Asin - Sayang ka 

Sayang ka, pare ko
Kung 'di mo ginagamit ang 'yong talino
Sayang ka, aking kaibigan
Kung 'di mo ginagamit ang 'yong isipan
Ang pag-aaral ay 'di nga masama
Ngunit ang lahat ng pinag-aralan mo'y matagal mo nang alam
Ang buto ay kailangan diligin lamang
Upang maging isang tunay na halaman

Pare ko, sayang ka
Kung ika'y musikerong walang magawang kanta
Sayang ka, kung ikaw...
Ay taong walang ginawa kundi ang gumaya

Ang lahat ng bagay ay may kaalaman
Sa lahat ng bagay sa kanyang kapaligiran
Idilat mo ang 'yong mata, ihakbang ang mga paa
Hanapin ang landas ng patutunguhan

'Pagkat ang taong mulat ang mata
Lahat ng bagay, napapansin n'ya
Bawat kilos niya'y may dahilan
Bawat hakbang may patutunguhan
Kilos na, sayang ka

Sayang ka, aking kaibigan
Kung 'di mo makita ang gamit ng kalikasan
Ang araw at ulan
Sila ay narito, iisa ang dahilan

Sayang ka kung wala kang nakita sa ulan
Kundi ang basa sa 'yong katawan
Sayang ka kung wala kang nakita sa araw
Kundi ang sunog sa 'yong balat

'Pagkat ang taong mulat ang mata
Lahat ng bagay, napapansin n'ya
Bawat kilos niya'y may dahilan
Bawat hakbang may patutunguhan
Kilos na, sayang ka

Ang Bee Gees ay kilalang grupo ng mang-aawit na nabuo ng magkakapatid na Barry, Robin, at Maurice Gibb noong 1958. Naging matagumpay sila at hinangaan sa kanilang awit noong huling bahagi ng 1960 at unang bahagi ng 1970s. Ang Asin naman ay bandang mula sa Pilipinas. Nagsimula sila bilang isang trio sa huling bahagi ng 1970s bago naging quartet, at orihinal na kilala bilang Salt of the Earth. Kilalang mang-aawit ng Asin ay sina Mike Pillora Jr., Lolita Carbon, Pendong Aban Jr., at ang pinaslang na si Cesar "Saro" BaƱares Jr.

Klasiko na ang kanilang mga awitin at tiyak na makikipagtagalan pa sa panahon. Namnamin din natin ang iba pa nilang awitin na talaga namang magugustuhan ng iba pang henerasyon.

Martes, Enero 28, 2020

Dapat climate resilient ang On-Site, In-City or Near-City Resettlement Bill

DAPAT CLIMATE RESILIENT ANG ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY RESETTLEMENT BILL
Maikling sanaysay at saliksik ni Greg Bituin Jr.

May mga nakasalang na panukalang batas sa Senado at Kongreso hinggil sa relokasyon ng mga maralita na on-site (ang relokasyon ay sa mismong kinatitirikan ng kanilang tahanan), in-city (ang relokasyon ay sa loob lang ng lungsod kung saan sila naroon) or near-city (sa pook na katabi ng kinapapaloobang lungsod). May Senate Bill si Senadora Grace Poe (SBN 582) at Senadora Risa Hontiveros (SBN 167).

Mayroong katumbas na panukalang batas sa Kongreso sina Rep. Kiko Benitez (HB00042), Kit Belmonte (HB00156), Alfred Vargas (HB00236), Yul Servo (HB03227), Francis Abaya (HB04245), at Rufus Rodriguez (HB02564).

Sa ating Saligang Batas ay nakasaad sa Seksyon 9 at 10 ng Artikulo XIII ang karapatan sa pabahay. Dahil dito'y naisabatas ang Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA). Subalit makalipas ang halos tatlong dekada, hindi pa rin ganap na naisasakatuparan ang disente at abotkayang pabahay sa maralita. Tinatayang nasa 6.8 milyon ang backlog sa housing sa taon 2022.

Dahil dito, nangangailangan pa rin ng pabahay ang maraming maralita. Kaya nagsulputan ang mga planong on-site, in-city at near-city na resettlement o relokasyon ng pabahay. Subalit sa kanilang mga panukala, kailangan itong pag-aralan pang mabuti dahil hindi sapat ang on-site, in-cty at near-city na pabahay kung binabaha ang lugar tulad sa Malabon at Navotas.

Dapat kahit ang mga panukalang batas sa pabahay ay maging climate resilient, batay sa adaptation at mitigasyon, na dahil may mga senaryo nang lulubog ang maraming lugar sa taon 2030 pag hindi naagapan ang climate change na nagaganap. Ayon sa mga siyentipiko, dapat na masawata ang lalo pang pag-iinit ng mundo, na huwag itong umabot sa 1.5 degri Centigrade, dahil kung hindi maraming lugar ang lulubog sa tubig. Basahin nyo at pag-aralan ang ulat ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change), at ng IPCC (Intergovernmental Panel on Climate Change), na noong Oktubre 2018 ay nagsabing may labingdalawang taon na lang tayo upang masawata ang 1.5 degri C. Dahil kung hindi, lulubog ang maraming lugar. Ibig sabihin, sa taon 2030 ay baka lumubog na ang maraming bansa sa tubig.

At pag nangyari ito, na lumubog halimbawa nang halos anim na talampakan ang mga lugar dulot ng 1.5 degri C na lalo pang pag-iinit ng mundo, ano pang esensya ng on-site at in-city relocation? Titira ka pa ba sa on-site relocation na ibinigay sa iyo kung alam mo namang lulubog ito?

Ang dapat pag-aralan, pagdebatihan, at isabatas ay ang isang Public Housing Act, kung saan ang pabahay ay hindi pribadong pag-aari kundi babayaran lang ang gamit nito, hindi upa.

Ang mga pag-aaral na ito hinggil sa klima at pabahay ay mula sa pakikipagtalakayan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga grupo tulad ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). May mga mapa pang ipinakita kung ano ang mga lugar na lulubog sa ganitong taon pag hindi binago ng mga mayayamang bansa ang kanilang paggamit ng enerhiya. Pag patuloy pa sila sa paggamit ng coal-fired power plants at mga enerhiyang mula sa fossil, lalong mag-iinit ang mundo, at pag lumampas na tayo sa limit na 1.5 degri Centigrade, hindi na tayo makakabalik pa sa panahong mababa sa 1.5.

Kaya dapat maipasok din sa mga panukalang batas sa pabahay na mabago na rin ang ating sistema ng enerhiya, at huwag nang umasa pa sa fossil fuel kundi sa renewable energy.

Kailangang maging aktibo rin tayong maralita sa usapin ng klima, climate change at climate justice, at manawagan tayo sa mga mayayamang bansa na bawasan na ang paggamit ng coal plants at gumamit na tayo ng renewable energy.

Sa madaling salita, dapat nakabatay din sa usaping pangklima ang on-site, in-city, at near-city resettlement bill. Para kung sakaling lumubog na ang mga bahaing lugar, may opsyon ang mga maralita. Hindi na uubra ang on-site relocation sa lulubog na mga lugar. Baka hindi na rin umubra ang in-city at near-city relocation sa kalaunan. Dapat ay climate resilient na batas para sa pabahay ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2020, pahina 8-9

Linggo, Enero 26, 2020

Kaysipag ngunit walang-wala

paano ba kita bubuhayin kung walang panggastos
walang pambili ng bigas, wala akong panustos
kaysipag makibaka laban sa pambubusabos
ngunit gusgusing tibak pa rin ang tulad kong kapos

masipag naman, walang sahod, walang kinikita
subalit laging umaasa sa bigay ng iba
kaysipag kumilos upang palitan ang sistema
ngunit dukhang tibak pa ring walang wala talaga

walang sinasahod at di makabili ng bigas
subalit nangangarap pa ring may lipunang patas
kaysipag mag-organisa, pantalon man ay kupas
tanging samahan ang sa puso'y nagbibigay lakas

sumumpang maging simple ang pamumuhay sa mundo
makibaka't organisahin ang uring obrero
kaysipag lumaban para sa inangking prinsipyo
ngunit kakamtin pa kaya ang pangarap na ito

- gregbituinjr.

Ang PILOKES

ANG PILOKES

mga punda pala ng unan ang lalabhan niya
kaya mga PILOKES ay sa akin pinakuha
ano kaya iyon, at kinuha niya ang punda
sinabihan akong tanggalin sa unan ang iba

PILOKES pala'y ibang tawag sa PUNDA ng unan
PUNDA'y di niya masabi kaya PILOKES na lang
putragis, at pilokes lang pala ang pundang iyan
mahilig kasing magsalita ng wikang dayuhan

akala ko'y sakit tulad ng sipilis o galis
pilokes ba'y tigitig, o sa mukha'y may piligis
tuberkulosis, leptospirosis, ngayon pilokes
iyon pala'y mahilig lang magsalita ng Ingles

punda lang, punda, pilokes na ang tinawag dito
Pinay naman, di masabi ang wikang Filipino
kaytagal na sa bansa, pilokes lang pala ito
ngayon, alam ko na, di nila ako maloloko

- gregbituinjr.

Sabado, Enero 25, 2020

Nais ba ng durugista ang maging durugista?

nais ba ng durugista ang maging durugista?
ngunit bakit ba sila tinawag na durugista?
dahil ba dinudurog nila ang mga tableta?
ihahalo ito sa tubig at iinumin na?

naging palasak na tawag ito sa mga adik
tableta kasi noon, ngayon bato'y pinipikpik
tapos ay sasamahan pa ng tubong pinipitik
sisinghutin ang animo'y nasusunog na putik

subalit nais ba ng durugistang maging gayon?
o natulak lang sila rito ng pagkakataon?
o may problemang sa putik siya ibinabaon?
at may kaibigang nagpayong malilimot iyon!

magdroga, minsan lang, upang problema'y malimutan
sa dami ng problema, nagtagal, ay nagustuhan
hanggang maging sugapa sa droga sa kalaunan
tulad niya'y maysakit na, na dapat malunasan

- gregbituinjr.

Dumudungis ang apog sa mukha ng pulitiko

Dumudungis ang apog sa mukha ng pulitiko
Umiinom naman ng alak ang tambay sa kanto
Rumaragasa naman ang mga adik sa bisyo
Umuga sa bayan ang tokhang, dugo, bala't basyo!

Gigising kaya ang bayan sa kamaliang ito
Itinumba, walang paglilitis, walang proseso
Salvage agad, patakaran nilang di makatao
Tokhang pa'y dumarami't sumasabog sa puso mo!

Anong dapat gawin upang mapigil ang ganito
Sakit sa kalusugan ang drogang naaabuso
At di krimeng agad papaslangin agad ang tao
Gayong wala silang karapatang gagawin ito!

Isipin mo, nagdodroga'y maysakit, kapwa tao
Pagamutan siya dalhin, at di sa sementeryo
Intindihing dapat siyang magamot nang totoo
Nang problema ng tulad niya'y malutas na rito.

- gregbituinjr.

Biyernes, Enero 24, 2020

Ang Pagso-solvent

may nagso-solvent upang gutom ay di maramdaman
na pinamamanhid ang tiyan nilang walang laman
anong gagawin upang malutas ang kahirapan
nang di solvent ang solusyon sa gutom nilang tiyan

maraming kabataang ganito ang naging bisyo
mura kasi, kasama ang paint thinner, rugby at glu
madaling bilhin, gamit sa bahay, naaabuso
sinisinghot, pinamamanhid ang kalamnan, ulo

bakit sa gutom ay ito ang nakitang solusyon?
bakit sa kagutuman ang buhay nila'y nabaon?
hanggang sa lumaon, sila sa droga na'y nagumon
sila na ba'y maysakit kaya droga ang nilulon?

ang mga ito'y katanungang dapat bigyang pansin
mga dukhang kababayan ay dapat unawain
ang karukhaang ito'y usaping dapat lutasin
nang di solvent ang tikman kundi totoong pagkain

tanong ko: solve na ba sila pag naka-solvent sila?
mungkahi kong lipunang ito'y pag-aralan nila
bakit may gutom habang nagpapasasa ang iba?
at paano kakamtin ang panlipunang hustisya?

- gregbituinjr.

Adik sa droga versus adik sa dugo

"Adik naman iyon. Dapat lang patayin!" anila
ngunit tama ba ang palagay na iyon, tama ba?
subalit kayrami nang natokhang, ah, kayrami na!
anong dapat upang tokhang ay mawala talaga?

adik sa droga'y pinapaslang ng adik sa dugo
mga sugapa sa droga'y nais nilang maglaho
adik ay sinasagupa nang umano'y masugpo
ang ilegal na drogang negosyo ng tusong tuko

dapat ba silang agad paslangin, walang proseso?
walang paglilitis, maglalamay na lang ba tayo?
sa nangyaring pagtokhang, sinong mananagot dito?
nang di na maganap ang tokhang na krimen sa tao

pagkagumon sa droga'y sakit na dapat gamutin
kaya bakit pagpaslang ang nakagawiang gawin?
subalit paano ba dapat ang wastong pagtingin?
upang karapatang pantao'y talagang galangin

kapitalista ng droga'y paano mapipigil?
sa negosyo nilang sa mga dukha'y kumikitil
mga adik sa dugo'y paano ba mapipigil?
upang panonokhang sa kapwa'y tuluyang matigil

- gregbituinjr.

Miyerkules, Enero 22, 2020

Aba'y mag-inom ka na lang kaysa magpatiwakal

aanhin mo ang lubid, aanhin mo iyang punyal?
sagot mo: "Nais kong mamatay! Iniwan ng mahal!"
sapupo mo ang dibdib sabay ang iyong atungal
aba'y mag-inom ka na lang kaysa magpatiwakal!
kayraming babae, ngunit sa pag-ibig ay hangal

isipin mo, magkano na ang presyo ng ataul
magkano ang alak, serbesa, gin, o emperador
mag-inom ka't kaunting pera lang ang magugugol
kaysa abuluyan ka sa pagkamatay mo, Tukmol
manligaw muli't baka sa iyo na'y may pumatol

huwag magpatiwakal, may kinabukasan ka pa
may solusyon bawat problema, sa puso't sa bulsa
balang araw ay magkakaroon ka rin ng sinta
palipasin muna ang sakit, tumagay ka muna
lalo't sa inuman, aba'y aalalayan kita

ibulalas mo sa akin anuman ang naganap
nang matanggal sa puso'y tinik na nagpapahirap
harapin mo ang buhay nang may bago nang pangarap
sa ngayon lang naman ang pag-ibig ay anong ilap
balang araw, may bagong sinta ka ring mahahanap

- gregbituinjr.

Martes, Enero 21, 2020

Aking iaalay ang buhay ko't dugo

aking iaalay ang buhay ko't dugo
para sa bayan ko nang ito'y mahango
sa sanlaksang hirap at mga siphayo
sa danas na dusa't pangakong pinako

ito'y panata kong marapat na tupdin
ang gawa'y marangal, magandang layunin
pinsipyong niyakap, mga simulain
kikilos, gagawin itong adhikain

tara, makiisa sa pakikibaka
at organisahin ang obrero't masa
babaguhin itong bulok na sistema
at tahakin natin ang bagong umaga

ang ugat ng hirap ay dapat malupig
dahilan ng dusa'y dapat ding mausig
halina't sumama kung iyong narinig
ang mga hinaing ng dalitang tinig

- gregbituinjr.

Linggo, Enero 19, 2020

Manliligaw ni Medusa

kaygandang mukha ng isang dalaga
tila baga siya'y isang diyosa
na sasambahin sa tuwi-tuwina
kayrikit din ng kanyang mga mata

at Medusa raw ang kanyang pangalan
haranahin ko kaya sa tahanan
kay-amo ng mata pag nasulyapan
tila nangungusap ang matang iyan

ano itong ibinulong sa akin
nitong isang nais siyang maangkin
karibal ba siyang dapat lupigin
o kaibigang dapat unawain

anong ganda ng mata ni Medusa
talagang ikaw ay mahahalina
huwag mo lang daw katitigan siya
at baka ikaw ay maging bato pa

- gregbituinjr.

Pagkaing masustansya sa mga nasalanta

pagkaing masustansya tulad ng sariwang gulay
ang sa evacuation centers ay ating ibigay
masusustansyang pagkain ay kailangang tunay
sa mga nasalantang sakbibi ng dusa't lumbay

sa mga sentrong ebakwasyon, may nagkakasakit
kulang ng tubig, pagkain, sitwasyo'y anong lupit
salamat na lang may mga magsasaka ng Benguet
ang nagbigay ng libreng gulay sa maraming bakwit

ang bulkang Taal ay patuloy pa man sa pagbuga
ay magtulong-tulong para sa mga nasalanta
salamat na rin sa mga nagbigay ng delata
ngunit huwag sanang sa delata sila'y mapurga

walang nais na kalamidad na ito'y sapitin
kaya sinuman ang nasalanta'y dapat sagipin
sila'y kababayan din natin at kapwa tao rin
na sa panahon ng ligalig ay tulungan natin

- gregbituinjr.

Sabado, Enero 18, 2020

Alam natin paanong magsikap at magtiyaga

alam natin paanong magsikap at magtiyaga
upang ating pamilya'y di magutom at lumuha
samantalang yaong iilan ay nagpapasasa
sa yamang nilikha ng kayraming lakas-paggawa

nagsisipag upang makakuha lamang ng sapat
nagtiyaga di upang kapitalista'y bumundat
nagsisikap di para sa tubo ng sinong lekat
tamang sahod katumbas ng lakas-paggawa dapat

sa aking isip ay may ilan lang na katanungan
bakit malalaya ang mga walang pakialam
at ikinukulong ang mga marunong lumaban
bakit laksa'y naghihirap, may mayamang iilan

pag-aralan ang lipunan, bakit may naghahari
bakit ang namumuno'y elitista, hari't pari?
bakit patuloy ang tunggalian ng mga uri?
bakit misyon ng manggagawa'y dapat ipagwagi?

pagsikapan nating ang lipunang ito'y mabago
kung saan ito'y pangungunahan ng uring obrero
dapat di na umiral pa itong kapitalismo
na sistema nitong mapagsamantala't barbaro

- gregbituinjr.

Biyernes, Enero 17, 2020

Katanungan sa Kamayan Forum

Paano ba alagaan si Inang Kalikasan?
Dito sa Kamayan Forum ay aking katanungan
Nang daigdig ay di maging malaking basurahan
Nang di masira ang ating nag-iisang tahanan.

Nag-iba na ang panahon, nagbabago ang klima
Kinakalbo ang bundok, patuloy ang pagmimina
Kinakain ng isda ang plastik na naglipana
Nagtampisaw ka na rin ba sa dagat ng basura.

Di mo ba alam na puso ng mundo'y pumipintig
Tinapunan na ng plastik at upos ang daigdig
Hahayaan bang plastik ang sa bayan na'y lumupig
At wasak na kalikasan ang sa budhi'y umusig.

Sa problema ng kalikasan, anong dapat gawin?
Ugaling mapag-aksaya'y kailan babaguhin?
Si Inang Kalikasan ba'y paano mamahalin
Nang kinabukasan ng mundo'y tuluyang sagipin.

- gregbituinjr.

* nilikha at binigkas ng makata ang tula sa Kamayan para sa Kalikasan Forum, Enero 17, 2019, Kamayan Restaurant, West Avenue, Lungsod Quezon

Di na ako mag-uulam ng manok

di na ako nag-uulam ng manok, mahirap na
pagkat matinding highblood ang epekto sa tuwina

tila ba kung may anong sa manok ay itinurok
upang mapabilis ang laki't kilos ng manok

kaya marahil tumataas na ang aking dugo
pag kumain ng manok, ang sigla ko'y naglalaho

kaya dapat ingatan ang puso, diwa't kalamnan
dapat laging malusog nang tumagal pa sa laban

dahil dapat gampanan ang sinumpaang tungkulin
para sa bayan, sa manggagawa, sa adhikain

di na laging magkakarne, kundi mag-vegetarian
kahit sa kalagayang dapat maging badyetarian

mahal na ang presyo ng manok, dapat nang mag-badyet
upang matiyak nating di tayo magkakasakit

- gregbituinjr.

Huwebes, Enero 16, 2020

Di ko hahayaang mamatay sa pakikibaka

di ko hahayaang mamatay sa pakikibaka
nang di inaayos ang taktika't estratehiya
ayokong nakatunganga lang habang may problema
dapat makiisang lagi sa laban sa kalsada

di ko hahayaang mabuhay sa gutom at hirap
ang sawimpalad na gaya kong laging nagsisikap
lalabanan natin ang mapang-api't mapagpanggap
itatayo ang makataong lipunang pangarap

di ko hahayaang basta paslangin ang kung sino
dapat laging igalang ang karapatang pantao
dapat may panlipunang hustisya't wastong proseso
magkaisa upang lahat ay nagpapakatao

di ko hahayaang mamatay na nakatunganga
dapat kaya nating harapin ang anumang sigwa
dapat nating itayo ang hukbong mapagpalaya
at dapat maorganisa ang uring manggagawa

- gregbituinjr.

Kung ako'y isang taong nabiyayaan ng pakpak

kung ako'y isang taong nabiyayaan ng pakpak
dulo ng mundo'y liliparin kong pumapagagpak
di ko hahayaang ang masa'y basta mapahamak
dahil bulok na sistema'y parating nagnaknak

kung ako'y isang taong nabiyayaan ng madyik
pababaitin ko ang sa kapwa'y naging suwitik
magagandang pamayanan ang aking ititirik
para sa mga batang sa pagmamahal ay sabik

kung ako'y isang taong may malakas na kamao
bawat laban sa boksing ay aking ipapanalo
ang anumang aking kinita'y hahatiing wasto
kalahati'y pamilya, kalahati'y balato ko

kung ako'y isang taong nabiyayaan ng aklat
babasahin ko agad ito't nang ako'y mamulat
bakasakaling narito ang palad na kikindat
kaya pagbubutihan ko ang aking pagsusulat

- gregbituinjr.

Miyerkules, Enero 15, 2020

Salitang ugat at panlapi

SALITANG UGAT AT PANLAPI
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

huwad nga ba ang huwaran at ulid ang uliran?
ano nga bang salitang ugat ng mga pangngalan?
bulo ba sa kabuluhan, tarong sa katarungan?
tuto sa katuturan, bihasa sa kabihasnan?

ang salitang ugat ay salitang buo ang kilos
tulad ng gayat, ihaw, luto, inin, kain, ubos
ang wikang Filipino kung aaralin nang lubos
ito'y madaling unawain, maganda't maayos

ang salita'y binubuo ng ugat at panlapi
kinakabit sa unahan ng salita'y unlapi
at pag kinabit sa gitna ng salita'y gitlapi
at pag nasa dulo naman ng salita'y hulapi

iyo bang napupuna sa mga usapan natin
nagbago ang kahulugan pag panlapi'y gamitin
sa salitang ugat, kaya ito'y iyong alamin
magkaiba ang kakain, kumain at kainin

salitang ugat at panlapi'y dapat maunawa
pagkat ganito ang kayarian ng ating wika
halina't wikang Filipino'y gamitin sa tula
sa pangungusap at pagkatha ng mga talata

01/15/2020

Martes, Enero 14, 2020

Ang face mask at ang kapitalismo

Ang FACE MASK at ang KAPITALISMO

naiintindihan mo na ba ang kapitalismo
halimbawa na lang iyang face mask na sirit presyo
mapagsamantala sa sitwasyon, mga dorobo
kalamidad na'y pinagkakakitaan pa nito

mga tuso sila, sadya ngang mapagsamantala
di nakuntentong baratin ang manggagawa nila
pati ba naman kalamidad, pinagtubuan pa
ganyan, ganyan katuso ang mga kapitalista

di nagpapakatao ang kapitalismong bulok
nagsamantala na habang bulkan ay umuusok
ang pagsasamantala nito'y nakasusulasok
sistemang ito'y dapat ibagsak mula sa tuktok

kapitalista'y ganyan, mapagsamantalang uri
kaya dapat makibaka nang di sila maghari
palitan na ang kapitalismong kamuhi-muhi
nitong lipunang makataong dapat ipagwagi

- gregbituinjr.

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Ngayon, Enero 14. 2020, p. 4

Mag-ingat din sa mga naka-face mask ngayon

bulkang Taal ay nag-alburuto na naman
kaya face mask sa botika'y nagkaubusan
dahil sa ashfall na ibinuga ng bulkan
mukha't ilong natin ay dapat protektahan

subalit pag-iingat ay napapanahon
mag-ingat din sa mga naka-face mask ngayon
at baka may magsamantala sa sitwasyon
mangholdap sa dyip, bus, iskinita't kalyehon

maging alisto, at huwag basta malingat
mag-ingat din baka sila'y may kasapakat
di natin alam paano sila babanat
mabuting sa bawat sitwasyon ay mag-ingat

maglakad lang tayo sa lugar na matao
kung sinong may balak ay masawata ito
sa panahon ng ligalig maging alisto
upang di mabiktima ng mapang-abuso

- gregbituinjr.

Kaganidan ng kapitalismo

sila nga'y nananamantala
upang tumaas lang ang kita
face mask ay minahalan nila
dahil sa ashfall nakabenta

kapitalismo'y sadyang ganid
sa nasasakunang kapatid
kakapalan ng mukha'y hatid
pagsasamantala'y di lingid

anong ginawa ng gobyerno
upang mapigil ang ganito
sa kalakal nang-aabuso
nagsasampung doble ang presyo

ay, baka sila'y nagsasalsal
pumutok man ang bulkang taal
pagkat mukha nila'y makapal
sa sakuna'y baka umepal

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 13, 2020

Pagkatha habang naggagayat ng sibuyas

inihahanda ang sibuyas, diwa'y naglalaro
tangan ang kutsilyong ginayat iyon ng manipis
para sa adobo, sa diwa'y may ilang nabuo
pampaganda ng kutis ba'y sibuyas o kamatis

mapapaluha ka pag naggagayat ng sibuyas
kaya maglagay ng isang basong tubig sa gilid
di ka na luluha pagkat mapupunta ang katas
sa katabing tubig na sa uhaw nito'y papatid

habang naggagayat ay napapatitig sa talim
ng kutsilyong tangan, habang adobo'y hinahanda
may magaganap kaya sa panahong makulimlim
anong dapat gawin kung paparating na ang sigwa

maya-maya, sa likod ng resibo'y magsusulat
ng kinatha sa diwang ang lasa'y mapait-pait
naalala ang sibuyas na nagpaluhang sukat
ngunit sa adobo'y nagpasarap ng anong lupit

- gregbituinjr.

Pagkatha habang naglilinis ng kubeta

samutsari'y aking naiisip pag naglilinis
ako ng kubeta namin at aking iniis-is
ang dingding at inidoro, mamaya'y magwawalis
ng kisame't sahig nang dumi't agiw ay mapalis

kinakatha muli sa isip ang pinapangarap,
pati balita man, dinanas o nasa hinagap
mamaya'y uupo sa tronong tila may kausap
binuo na pala ay taludtod o pangungusap

laging nakahanda ang munting kwaderno sa bulsa
sinisikap isatitik ang hinaing ng masa
bakit may milyon ang salapi ngunit nagdurusa
habang may dukhang walang-wala ngunit kaysasaya

ang kwaderno'y ilalapag sa gilid ng lababo
at huhugasan ang puwit kahit nag-uusyoso
habang nakatitig sa mga diwatang narito
sa diwa't aking kinatha sa munti kong kwaderno

- gregbituinjr.

Linggo, Enero 12, 2020

Ang bahay sa gitna ng daan

madedemolis ang pabahay sa gitna ng daan
ito ang isa sa mga nakita kong larawan
nagpalawak doon ng daan ang pamahalaan
ngunit may-ari ng bahay ay ayaw itong iwan

di na ba maililiko ang lansangang matuwid
upang di matamaan ang bahay niyang balakid
sa daan, ngunit dapat itong tanggalin, kapatid
baka makaaksidente, ito ba'y kanyang batid

mula sa ibang bansa yaong bahay sa litrato
sa kalaunan, natanggal ito, ayon sa kwento
kalakarang "eminent domain" ang ginamit dito
may-ari'y walang nagawa nang giniba na ito

may bahay na bago ginawa ang kalsada roon
marahil ang may-ari'y nalipat sa relokasyon
samutsaring kwento ng pabahay at demolisyon
anong aral ang makukuha natin dito ngayon?

- gregbituinjr.

* kuha ang litrato mula sa internet, sa seksyon ng halimbawa ng problema sa demolisyon

Ang kapalaran ng bayan, ayon kay Rizal

"To foretell the destiny of a nation, it is necessary to open the book that tells of her past." - Jose Rizal

upang masabi mo ang tadhana ng isang bansa
dapat tunghayan ang aklat ng kanyang nakaraan
dapat batid mo ang kanyang kultura, likha't gawa
at mahalagang naganap sa kanyang kasaysayan

ito'y pangungusap ng ating pambansang bayani
sa tadhana ng bansa'y pagsusuring matalisik
at bilin din upang di tayo magsisi sa huli
na sa daang madawag ay huwag matinik

dapat nating basahin ang kasaysayan ng lahi
bakit nakibaka ang mga ninuno't kapatid
dapat nating batid ang sariling gawa at gawi
alamin anong dapat gawin sa mga balakid

upang sumulong ang bansa, ayon kay Jose Rizal
kasama ang masa, di lang mayaman at maykaya
halina't suriin bawat kanyang pamana't aral
upang mabago rin natin ang bulok na sistema

- gregbituinjr.
* ang sinabi ni Rizal ay muling nalathala sa Philippine Panorama, ang lingguhang magasin ng pahayagang Manila Bulettin, Enero 12, 2020, pahina 3.

Sabado, Enero 11, 2020

Narito ang laban sa lunsod, ang pakikibaka

narito ang laban sa lunsod, ang pakikibaka
narito sa sentro ang maraming isyu't problema
dito dapat makamit ang panlipunang hustisya
nasa lunsod ang laban nating mga aktibista

lumalaban tayo upang baguhin ang lipunan
bulok na sistema'y dapat ding baguhing tuluyan
hangga't nasa puso ang prinsipyo't paninindigan
kikilos at lalaban tayo hanggang kamatayan

sayang lang ang buhay mo kung titira sa probinsya
para lang sa tahimik na buhay, aba'y disgrasya
parang naghihintay ka lang ng iyong kamatayan
parang matindi na ang dinanas mong karamdaman

durugin natin ang sa pakikibaka'y balakid
patuloy tayong magsikilos, O, mga kapatid
isang lipunang makatao'y ating ipabatid
na dapat nating kamtin at sa mundo'y maihatid

- gregbituinjr.

Biyernes, Enero 10, 2020

Pagkatha habang nagbabawas ng mga kinain

minsan, matapos kumain, sa kubeta tatambay
magbabawas na tangan ang kwaderno't plumang taglay
magpapahinga roong diwa'y nagbubulay-bulay
at inaalagata ang umimbulog na lumbay

bakit tila nakikipagbuno sa pagkasawi
ng pusong inalipin ng pagbabakasakali
habang nakaupo sa tronong tila hubong hari
dapat tulad ng saranggola'y habaan ang pisi

kailangan ng tubig sa timba't mayroong tabo
huhugasan ang puwet habang diwa'y narahuyo
sa diwatang ginunita ng may pagkasiphayo
ngunit bakit ang gripo'y biglang nawalan ng tulo

kaysarap kumatha habang nagsasalsal ng diwa
habang nakikipagniig sa dumalaw na mutya
lalabas sa kubetang pawisan at putlang-putla
tangan ang papel na may nabuong magandang tula

- gregbituinjr.

Huwebes, Enero 9, 2020

Bagong salta

galing sa lalawigan
nagtungong kalunsuran
nakikipagsiksikan
nang sa dyip makalulan

binenta ang kalabaw
mangingibang bansa raw
ngunit pera'y naagaw
ng tusong magnanakaw

payapa niyang buhay
nabulabog ngang tunay
ngayon, di mapalagay
sa hahakbanging pakay

siya nga'y nakatikim
ng krimeng anong talim
at karima-rimarim
dinanas niya'y lagim

nawala ang pangarap
di niya maapuhap
kaysakit ng nalasap
sa mga mapagpanggap

nais mangibang bayan
nais niyang lumisan
sa mga naranasang
lumbay at karukhaan

pangarap magtrabaho
bilang O.F.W.
iipunin ang sweldo
ilalagak sa bangko

pambayad sa rekruter
para maging care giver
ay wala na forever
sa mga gang na tirtir

- gregbituinjr.

Bagyong Ursula

tulad ni Yolanda'y kinatakutan siya
ngunit di siya si Yolandang nanalasa
tila bagyo'y mapanganib para sa masa
lalo't balita'y tulad siya ni Yolanda

maghahandang lumikas ang maraming tao
nang makaligtas sa parating na delubyo
makikipag-espadahan sa mga santo
upang patigilin ang nagbabantang bagyo

si Ursula'y dumating, laksa ang sinira
may nagsabing bumalik si Yolandang sigwa
pagkat naulit ang sa pamilya'y nawala
lalo't siya'y sakbibi ng lumbay at luha

tumitindi ang klima, bagyo'y bunabagsik
tila galit sa sistema't naghihimagsik
sa delubyo'y danas ang muling mangaligkig
at di mo na malaman kung saan sisiksik

- gregbituinjr.

Miyerkules, Enero 8, 2020

Ulat: Walong anyos na nene, hinalay bago pinatay

anong lagim ng balitang yaong aking natunghay:
"Walong anyos na nene, hinalay bago pinatay"
at itinapon pa sa damuhan ang kanyang bangkay
tiyak magulang ng bata'y mapopoot ngang tunay

buti't nadakip ang pinaghihinalaang suspek
sa krimeng iyong talaga namang kahindik-hindik
sa galit, dapat siyang ibitin ng patiwarik
pagkat nakakakilabot ang kanyang inihasik

anuman ang kanyang dahilan, droga man o libog
ang magandang bukas ng bata'y talagang lumubog
sa salarin ay di na sapat ang kulong at bugbog
dapat sa kanya'y bitayin at magkalasog-lasog

nawa, may matamong hustisya ang batang biktima
nawa, nangyari sa kanya'y di maganap sa iba
nawa, kamtin ng magulang ang asam na hustisya
at bansa'y maprotektahan ang mamamayan niya

- gregbituinjr.
* headline ng pahayagang Pang-Masa, Enero 8, 2020, pahina 1-2.

Magilas pa ring mag-isip nitong utak kong iwi

magilas pa ring mag-isip nitong utak kong iwi
na sa buhay ay lagi nang nagbabakasakali
tutula, tulala, mga tuligsa'y samutsari
sa kalagayang ang hirap ay pinananatili

lumilipad ang lawin doon sa kaitaasan
habang natatanaw ang maralitang mamamayan
gayong nag-aabang din ng malalagay sa tiyan
at baka makakita ng tandang sa kaparangan

maisulong kaya ang piyon sa tabi ng reyna
upang tore'y makaporma't magawa ang partida
labanan ng posisyon, taktika't estratehiya
upang mamate ang hari sa ganap na presensya

isipin ang wasto lalo't karapatang pantao
tiyaking may paglilitis at may tamang proseso
at sa pakikipag-ugnayan ay magpakatao
upang di maging delubyo ang parating na bagyo

- gregbituinjr.

Di mo magigiba ang diwa't prinsipyo ko, sinta

di mo magigiba ang diwa't prinsipyo ko, sinta
na inilaan ko laban sa mga palamara
aralin mo ang lipunan upang iyong makita
ang samutsaring isyu't problema ng uri't masa
kailangan ng bayan ng panlipunang hustisya

nagugumon sa mga pautot ang mga sakim
upang limpak-limpak na tubo'y kanilang makimkim
ang iskemang tokhang ay sadyang karima-rimarim
na sa puso ng bayan ay nagdudulot ng lagim
sa kahit tirik ang araw animo'y nasa dilim

diligin natin ng pagmamahal ang kalikasan
lalo't tayo'y pinatira lamang sa daigdigan
nais ba nating wasakin nila ang kapaligiran
tapon dito, tapon doon, tapon kung saan-saan
daigdig na tahanan ay ginawang basurahan

- gregbituinjr.

Martes, Enero 7, 2020

Pag-aasawa ba'y katapusan ng pakikibaka?

paglagay sa tahimik ba'y di na makikibaka?
at balewala na ba ang pagbaka sa sistema?
mundo mo ba'y nag-iba pag ikaw ay nag-asawa?
iiwanan na ba sa ere ang laban ng masa?

sa pagkilos ba, pag-aasawa'y isang balakid?
at di na ba sisigaw ng "Sugod, mga kapatid!"?
pag-aasawa'y parte ng buhay, iyo bang batid?
pagtigil sa pagkilos ba'y mensahe nitong hatid?

hindi, hindi, dapat patuloy na mag-organisa!
at uring manggagawa'y gawing malakas na pwersa!
organisahin din pati iyong napangasawa
at maging kasama sa pagbabago ng sistema!

tuloy pa rin ang pagkilos para sa pagbabago
organisahin natin ang dukha't uring obrero
huwag tayong manghinawa hangga't di nananalo
hangga't buhay tayo'y ipagwagi ang sosyalismo!

- gregbituinjr.

Paano ba popondohan ang sariling pagkilos?

paano ba popondohan ang sariling pagkilos?
bakit ba ang maglulupa'y lagi nang kinakapos?
karukhaan pa rin ba ang sa atin umuulos?
dalita'y inspirasyon ba sa pagkilos ng lubos?

sa samahan, di sapat ang tumanggap lang ng butaw
at di nito kayang pondohan ang bawat mong galaw
sa kabila nito, prinsipyo'y di pa rin malusaw
kikilos at kikilos kahit lumubog ang araw

upang may panggastos, dapat pa bang magpaalipin?
matapos ang trabaho saka misyon ay gagawin
sariling kilos ay pondohan, ito ang layunin
upang magampanan ang sinumpaang adhikain

pondohan ang sariling galaw, ito'y ginagawa
hanap ay pagkakakitaang sakbibi ng luha
at magkayod-kalabaw upang kumita ng lubha
dapat walang humpay sa pagkilos ang maglulupa

- gregbituinjr.

Namamatay ako tuwing gabi, buong magdamag

namamatay ako tuwing gabi, buong magdamag
nagtutungo sa ibang daigdig, naglalagalag
nagkakaroon ng espasyo ang buhay na hungkag
nabubuhay muli sa bukangliwayway na sinag

at muli't muli tuwing gabi'y muling namamatay
at ako'y nagbabalik sa pinagdaanang hukay
at doon ko sinasariwa ang sugat at lumbay
na humiwa sa aking puso't pagkataong taglay

di mapakali sa buhay na sakbibi ng hirap
di makamit yaong mga gintong pinapangarap
di maisatitik ang mga dusang lumaganap
di matingkala yaring buhay na aandap-andap

mabubuhay muli pag bukangliwayway na'y napit
habang sa dulo ng patalim ay nangungunyapit
sabay tanong: ano, sino, saan, kailan, bakit
at paano, sa iwing buhay na pulos pasakit

- gregbituinjr.

Pagkatha habang naglalampaso ng sahig

patuloy pa rin habang naglalampaso ng sahig
yaong pagkatha ng mga salitang nagniniig
nasa isip kung anong namumutawi sa bibig
habang inaayos ang taludtod, saknong at pantig

tula'y nalikha habang sahig ay pinakikintab
habang naglalampaso yaring puso'y nag-aalab
sa kawalang hustisya, damdamin ay nagliliyab
kaya ang isinasatitik ay naglalagablab

maya-maya, ang basahan ay aking pipigain
at sa paglampaso ng sahig ay muling gamitin
pakintabin ang sahig na pwede kang manalamin
habang kuro-kuro sa isip ay tahi-tahiin

sa paglampaso'y may dapat ka ring sunding sistema
upang di mahirapan at agad makatapos ka
ituloy mo ang pagkatha habang nagpapahinga
at nilampaso mong katha'y iyong mapapaganda

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 6, 2020

Soneto sa kaarawan ni misis

maligayang kaarawan sa iyo, aking sinta
nawa sa pagsasama nating dalawa'y sumaya
bubuuin natin ang isang magandang pamilya
at mabubuting anak na kung di lima'y dalawa

maligayang kaarawan sa iyo, aking mahal
sa pagpana ni Kupido, ikaw ang itinanghal
nawa ang ating magandang samahan ay tumagal
habang naghahanda tayong magkaroon ng kambal

maligayang kaarawan sa iyo, aking irog
nawa ikaw ay manatiling malakas, malusog
sa iyo ang iwi kong pag-ibig ay iniluhog
nawa'y dinggin mo ang harana ng puso kong handog

maligayang kaarawan sa iyo, aking giliw
ang aking pagmamahal sa iyo'y di magmamaliw

- gregbituinjr.,01/06/2020

Linggo, Enero 5, 2020

Di pagyaman kundi pagkilos hanggang sa tagumpay

sa edad kong ito'y di na nangangarap yumaman
ako rin naman ay mamamatay sa kalaunan
kaya bakit pagyaman pa'y aking pag-iisipan
ang tanong sa sarili: pagyaman ba'y para saan?

dapat ko bang pag-ipunan ang ataul ko't puntod
ngunit sa ganyan ay di ako magpapakapagod
sa ngayon, sosyalismo'y aking itinataguyod
habang buhay pa'y magwagi't dito na malulugod

maging mayaman sa prinsipyo, dangal at kasama
uring manggagawa'y gawin nating malaking pwersa
paglingkuran ang bayan, organisahin ang masa
ipaglabang mabago na ang bulok na sistema

kahit kalahating siglo pa ang aking bunuin
di sasagi sa isip na sarili'y payamanin
dapat ialay ang buhay sa dakilang layunin
at sosyalismo'y ipagwagi sa panahon natin

- gregbituinjr.

Kailangan ng salapi, ito ang kalakaran

kailangan ng pera, ito ang sabi ni misis
dahil sa kahirapan, ayaw na niyang magtiis
dapat daw akong magtrabaho't mabili ang nais
sumweldo't nang may pambayad sa bayarin at buwis

kailangan naming magbayad ng kuryente't tubig
bayad sa ospital pag nagkasakit o nabikig
pambili ng ilalaman sa aming mga bibig
pulos sa pera na lang umiikot ang daigdig

kailangan ng salapi, ito ang kalakaran
upang mabuhay ka'y dapat ka ring maging bayaran
lakas-paggawa'y ibebenta hanggang masahuran
ilang taon bang ganito ang iyong katauhan

kailangan ng kwarta, dapat lagi kang may sweldo
kung di man limpak na tubo pag ika'y nagnegosyo
ganyan ang palakad sa lipunang kapitalismo
binibili na rin ng pera pati pagkatao

- gregbituinjr.

Tunay bang Amerika'y pakialamerong bansa?

tunay bang Amerika'y pakialamerong bansa?
dahil bansang Iran naman ang puntirya't sinira
terorista nga ba ang Amerika't anong sama?
na pag di niya kakampi'y binibira ng kusa?

ang North Korea'y di mabira't wala itong langis
ang Iran ay may langis kaya pagbira'y kaybilis
makapangyarihang Amerika'y nagmamalabis
pag nagkadigma't di napigil, kayraming tatangis

di dapat maganap ang imperyalismong digmaan
lalo't nais kontrolin ng Amerika ang Iran
ibang bansa'y damay pa sa kanilang kalokohan
na maaaring magdulot ng laksang kamatayan

barbarismo ng Amerika'y dapat lang mapigil
lalo na't sa Iran talagang sila'y nanggigigil
pananalasa ng Amerika'y dapat masupil
at mapigilan ang maraming buhay na makitil

mag-usap sila sa lamesa at magnegosasyon
sa kaibahan nila'y pag-uusap ang solusyon
imperyalismong digmaan ay di magandang tugon
nang iba'y di madamay sa alitan nila ngayon

- gregbituinjr.

Pag inedit ang tula

pag inedit ang tula'y di tanggap ang kamalian
lalo't pinuna ang bilang ng pantig at tugmaan
magdadahilang iyon ay malayang taludturan
kaya huwag mo raw punahin kung pantig ay kulang

gayong kita mo namang tugma't sukat ang ginamit
isang saknong, tatlong may impit, isa'y walang impit
itinama lang ang tugmaan, aba'y nagagalit
magbasa na lang daw ako't huwag nang mangungulit

masama bang mamuna't nanlalagkit na ang mukha
tila tutulo ang uhog, malalaglag ang muta
ganyan yata ang sa kapwa makata'y nahihiya
kulang na lang ay magngalit at punitin ang akda

minsan di mo matanggap na di punahin ang mali
upang sa malaon ang mali'y di na manatili
mabago agad ng makata't ang mali'y mapawi
upang nagbasang estudyante'y tama ang iuwi

- gregbituinjr.

Sabado, Enero 4, 2020

Kaylakas ng bagyo'y kumakatha

kaylakas ng bagyo'y kumakatha
habang naglalaro yaring diwa
habang tinititigan ang baha
habang paligid ay basang-basa

palutang-lutang ang mga plastik
at naglaglagan ang bungang hitik
mga basurang puno ng putik
ang sa isipan ay tumititik

basang-basa ang buong sampayan
luray-luray ang nasa isipan
kinatha'y di mo basta matingnan
baka mabasa'y sinapupunan

kaytindi ng bagyong nagngangalit
pati diwa ng mamang makulit
kinakatha ang mga pasakit
upang sa papel ay ibunghalit

pagkabagyo'y puno ang alulod
habang lumilikha ng taludtod
sa saknong ay itinataguyod
ang kaisahang di naaanod

- gregbituinjr.

Pagkatha habang naghuhugas ng pinggan

kaysarap magsulat sa isipan
habang pinggan ay hinuhugasan
maya-maya'y maglalaba naman
habang tumutula ng anuman

dapat matanggal ang mga sebo
kayurin ang uling sa kaldero
punasan ang nahugasang plato
at ikamada ang mga baso

mga buto'y agad pagbuklurin
mga tinik ay ibasura na rin
isama pati balat ng saging
habang kinakatha ang pahaging

pag natapos na'y agad maghinaw
ng kamay, kahit na giniginaw
gubat ma'y marilim at mapanglaw
magsusulat sa tabi ng tanglaw

at ititipa agad sa selpon
yaong naganap buong maghapon
isasalansan sa mga saknong
ang mga titik ng rebolusyon

- gregbituinjr.

Manibalang

huwag kunin ang manibalang
hintayin mo munang gumulang
huwag hayaang walang muwang
ay agad nilang tinotokhang

- gregbituinjr.

Ang gawain ng maglulupa

nababatid mo ba ang gawain ng maglulupa
tulad ng organisador na kasama ng dukha
na pag-aralan ang lipunan at buhay ng madla
at ipaalam ang papel ng uring manggagawa

ani Bonifacio, dapat guminhawa ang bayan
ani Marx, mas mahalaga'y baguhin ang lipunan
sapagkat di sapat ang ito'y ipaliwanag lang
ani Lenin, mahalagang may teorya't kilusan

iisa ang pagkatao ng lahat, kay Jacinto
sinabi noon ni Che Guevara kay Fidel Castro:
tagumpay ang Cuba, Bolivia nama'y ipanalo
kay Ka Popoy: organisahin ang uring obrero

ating suriin ang buhay nila, pamana't aral
at bilang maglulupa, huwag magsawang magpagal
tiyakin nating laging malusog upang tumagal
sa laban lalo't sistemang bulok ang sumasakal

- gregbituinjr.

Biyernes, Enero 3, 2020

Aktibistang maglulupa

di tayo aktibistang nakaupo lang sa silya
nagsusulat, nanonood, di nag-oorganisa
mas malaking trabaho'y mag-organisa ng masa
oo, mag-organisa, kahit tayo'y walang pera

mga masisipag na aktibista'y naglulupa,
nagsusuri at sa laban ay laging naghahanda
lalo't yakap ng taimtim ang prinsipyo't adhika:
organisahin ang laban ng uring manggagawa

estratehiya'y iniisip ng organisador
taktika upang manalo'y kanilang minomotor
mga isyu'y nailalarawan tulad ng pintor
palaban, marangal pagkat may palabra de onor

halinang maglupa't mga dukha'y organisahin
ang uring manggagawa'y dapat nating panalunin
organisador tayong gagawin ang simulain
hanggang mamatay o magtagumpay ang adhikain

- gregbituinjr.

Bagong taon, dating rehimen

Bagong taon, dating rehimen
ang palakad ay gayon pa rin
nagmahal ang mga bilihin
na epekto ng batas na TRAIN

aktibista'y taas-kamao
obrero'y kaybaba ng sweldo
sistema'y walang pagbabago
at tiwali'y nasa gobyerno

salot na kontraktwalisasyon
ay patuloy pa hanggang ngayon
ang manggagawang mahinahon
ay mag-aaklas pag naglaon

kayraming batang walang muwang
ang naging biktima ng tokhang
kayraming sa dugo lumutang
na pawang buhay ang inutang

tanikala'y dapat lagutin
elitista'y dapat gapusin
wakasan ang pang-aalipin
ng rehimeng dapat tigpasin

- gregbituinjr.

Mushroom ay di pa nila kayang tawaging kabuti

mushroom ay di pa nila kayang tawaging kabuti
ang wikang dayo pa rin ang sa kanila'y mabuti
nais daw magtanim ng kabuti sa tabi-tabi
bakasakaling naroon daw ang kanilang swerte

hilig nila'y mushroom burger kaya mushroom ang tawag
sa wikang Filipino'y tila di sila panatag
sa pagyakap sa wikang Ingles sila'y di matinag
sa bokabularyo nila kabuti'y di madagdag

mushroom ba'y wika ng sosyal at may pinag-aralan
kabuti ba'y katawagan ng dukhang mamamayan
wikang Ingles ba'y mas matimbang sa mga usapan
kaya wikang Filipino'y di mapahalagahan?

bakit kaya ginagamit nila'y wikang banyaga
gayong katutubo silang lumaki pa sa bansa
wikang Filipino'y atin, di ito wikang bakya
ugali ba nila'y paano dapat maunawa

- gregbituinjr.

Huwebes, Enero 2, 2020

Huwag kinisin ang tanikala, lagutin ito

huwag asahan ang reporma sa kapitalismo
ito'y pagtanggal lang ng kalawang sa tanikala
kahit maging ginto ang tinanikala sa iyo
dapat putulin ito't tayo rito'y makawala

kaapihan at pagsasamantala'y may solusyon
mapapawi rin natin itong dustang kalagayan
magkaisa't magsikilos para sa rebolusyon
ng manggagawang may misyong baguhin ang lipunan

huwag nang kinisin ang tanikala't maging manhid
sa bulok na sistemang tuloy ang pananalasa
lagutin ang tanikalang ito, mga kapatid
palayain ang uri't bayan sa hirap at dusa

mag-organisa, mag-organisa, iyan ang bilin
ng mga rebolusyonaryong bayani ngang tunay
magkaisa tayo't magsikilos sa adhikain
upang uring manggagawa'y tunay na magtagumpay

- gregbituinjr.

Miyerkules, Enero 1, 2020

Nasa laban

ayokong mabagot, nais ko'y laging nasa laban
di ang umuwi ng probinsya't manahimik na lang
nais kong sa laban masalubong si Kamatayan
kaysa payapang buhay na isip ay sarili lang

para lang sa mga maysakit ang pamamahinga
di mo mababago ang lipunan pag nasa kama
kung laging nananahimik imbes nasa kalsada
di kakamtin ang asam na panlipunang hustisya

kabagot-bagot ang buhay na pulos telebisyon
pulos drama sa buhay at pulos paglilimayon
walang prinsipyong taglay at walang misyon at layon
kundi magpalaki ng bayag, lumaklak, lumamon

mabuti pang sumama sa mga pakikibaka
kaysa manahimik sa isang tabi't nakatanga

- gregbituinjr.

Bagong Taon, Lumang Sistema

Bagong taon, bagong petsa, dating pakikibaka
Bagong taon, dating kalagayan, lumang sistema
Nariyan pa ang pang-aapi't pagsasamantala
Adhika pa rin ng masa'y panlipunang hustisya

Bagong taon na, patuloy pa rin ang tunggalian
Dukha pa rin ang sangkahig, santukang mamamayan
At lalong yumayaman ang dati nang mayayaman
Ah, dapat lang baguhin ang ganitong kalagayan

Tuloy ang laban sa pagsapit nitong Bagong Taon
Isang bagong sistema ang dapat maganap ngayon
Lipunang makatao ang adhika't nilalayon
Na maipapanalo lang sa pagrerebolusyon

Halina't sama-samang kumilos at ipagwagi
Ang lipunang walang kapitalismong mapanghati
Dapat lang ipagwagi ang lipunang walang uri
Walang pagsasamantala't wala ring naghahari

- gregbituinjr.

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...