Linggo, Abril 28, 2019

May trapong di magsisilbi sa bayan

MAY TRAPONG DI MAGSISILBI SA BAYAN

may trapong sadyang di magsisilbi
sa bayan kundi lang sa sarili
sa trapo, bayan kaya'y iigi?
o baka sumama kaysa dati?

maganda raw ang kutis at pisngi
ngunit kung umasta'y mapang-api
trapong di makalinis ng dumi
tiwali'y lalo lang dumarami

paano kung trapo'y negosyante
na ugali nang may sinusubi
negosyo lang ang kinakandili
ang bayan kaya'y mapapakali

pag nanalo'y ngingisi-ngisi
ngunit gobyerno'y di mapabuti
sa hinaing ng bayan ay bingi
sa isyung pangmasa'y napipipi

pag tinalo'y tiyak na gaganti
lalo na't gumastos ng malaki
tiyak babawi ng anong tindi
ganyan ba'y kandidatong mabuti?

- gregbituinjr.

Biyernes, Abril 26, 2019

Bakit may luksang parangal?

BAKIT MAY LUKSANG PARANGAL?
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakayayanig ang malamang namatay ang limang kasama sa pakikibaka sa loob lamang ng halos dalawang linggo. Isang lider ng KPML si Doreen Mendoza na namatay sa sakit noong Marso 26, 2019. Si Benjie Resma, pangulo ng Partido Lakas ng Masa - Tatalon chapter ay binawian ng buhay noong Abril 5, 2019. Si Ka Richard Lupiba ng ZOTO / KPML ay yumao naman noong Abril 6, 2019. Si Ka Cesar Bristol, Bise Presidente ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Timog Katagalugan (BMP-ST) ay sumakabilang-buhay noon ding Abril 6, 2019. At si Larry Labian na nasa gawaing teatro ay namatay naman ng Abril 9, 2019.

Sa lahat ng ito, nagbigay ang mga kasama ng luksang parangal bilang pagpupugay sa mga kasamang namatay. Naging tradisyon na ng kilusang paggawa, kilusang sosyalista, at/o kilusang rebolusyonaryo na mag-alay ng luksang parangal sa kasamang namatay. Kadalasang ginagawa ito sa huling araw ng lamay, dahil kinabukasan na ay ililibing. Maraming kasama ang nagbibigay ng luksampati sa huling gabi, at madalas ay ikinukwento ang buhay, pakikibaka at rebolusyonaryong gawain ng namatay. May nag-aalay rin ng tula.

Subalit saan ba nanggaling ang ganitong tradisyon? Nang maging aktibista ako'y nagisnan ko na ang tradisyong ito, kaya nagsaliksik ako. Naalala ko ang araling Limang Gintong Silahis ni Mao Zedong, na inaral namin noong nasa kolehiyo pa ako at YS na tibak.

Ang artikulong "Paglingkuran ang Sambayanan" na inilathala noong Setyembre 8, 1944, ay mula sa talumpating binigkas ni Mao Zedong, na lider-komunista sa Tsina, sa isang pulong ng paggunita sa namatay na kasama nilang si Chang Szu-teh na idinaos ng mga kagawarang tuwirang nasa ilalim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina.

Ayon sa artikulo: "Ang lahat ng tao ay tiyak na mamamatay, ngunit ang kamatayan ay maaaring mag-iba ng kabuluhan. Ayon sa sinaunang manunulat na Tsinong si Szuma Chien, “Bagamat ang kamatayan ay sumasapit sa lahat ng tao, ito ay maaaring higit na mabigat kaysa Bundok Tay o higit na magaan kaysa balahibo.”Ang mamatay alang-alang sa sambayanan ay higit na mabigat kaysa Bundok Tay, subalit ang maglingkod sa mga pasista at ang mamatay para sa mga mapagsamantala at mapang-api ay higit na magaan kaysa balahibo. Si Kasamang Chang Szu-teh ay namatay alang-alang sa sambayanan at ang kanyang kamatayan ay higit na mabigat nga kaysa Bundok Tay."

At sa katapusan ng artikulo ay ibinilin sa atin: "Magmula ngayon, kung sa ating hanay ay may mamatay na isang nakagawa ng kapaki-pakinabang na bagay, maging kawal man siya o kusinero, dapat natin siyang bigyan ng parangal sa pamamagitan ng isang akmang seremonya sa paglilibing at pulong ng paggunita. Ito ay nararapat na maging alituntunin. At ito’y dapat ding ipagawa sa mga mamamayan. Kung may mamatay sa nayon, ipadaos ang isang pulong ng paggunita. Sa ganitong paraan, maipadarama natin ang pagluluksa para sa yumao at mapagbubuklod ang buong sambayanan."

Isang halimbawa nito ang isa pang artikulo sa Limang Gintong Silahis ay pinamagatang Paggunita kay Norman Bethune, kung saan sinabi ni Mao Zedong: "Ang diwa ni Kasamang Bethune, ang kanyang taus-pusong pagmamahal sa kapwa nang walang pagsasaalang-alang sa sarili, ay ipinamalas sa kanyang walang hanggang pagpapahalaga sa kanyang gawain at sa kanyang malaking pagmamalasakit sa lahat ng mga kasama at sa mamamayan. Dapat matuto sa kanya ang bawat Komunista. Hindi iilang tao ang iresponsable sa kanilang gawain, higit na nagnanais ng magaan at umiiwas sa mabigat, ipinapasa sa iba ang mabibigat na gawain at pinipili ang madadaling gawain para sa sarili. Sa bawat pagkakataon ay iniisip muna nila ang sarili bago ang iba. Kapag nakagawa ng kaunting tulong ay lumalaki ang kanilang ulo at ipinagyayabang ang nagawa sa takot na baka hindi malaman ng iba. Wala silang malasakit sa mga kasama at sa mga mamamayan, bagkus ay malamig, mapagwalambahala at walang sigla. Sa katunayan, ang mga taong ito ay hindi mga Komunista, o kaya’y hindi maituturing na tunay na mga Komunista."

Dagdag pa ni Mao: "Minsan lamang kami nagtagpo ni Kasamang Bethune. Pagkaraan niyon, madalas siyang sumulat sa akin. Ngunit abalang-abala ako noon at minsan ko lamang siyang sinulatan at ni hindi ko alam kung natanggap niya ang sulat ko. Labis akong nalulungkot sa kanyang pagkamatay. Ngayo’y pinararangalan natin siya, bagay na nagpapakita kung gaano kalalim ang inspirasyong dulot ng kanyang diwa. Dapat matutuhan nating lahat mula sa kanya ang diwa ng ganap na di pagkamakasarili. Sa pamamagitan ng diwang ito, ang bawat isa ay maaaring maging kapakipakinabang sa mamamayan. Malaki man o maliit ang kakayahan ng isang tao, kung taglay niya ang diwang ito, isa na siyang taong marangal at wagas ang loob, isang taong may integridad at nakapangingibabaw sa bulgar na mga interes, isang taong may halaga sa sambayanan."

Nagkaroon man ng paghihiwalay halos tatlong dekada na ang nakararaan, mula sa tunggaliang RA-RJ, nanatili pa rin ang aral at naging tradisyon na ang luksang parangal.

Huwebes, Abril 25, 2019

Bihira ang nabibigyan ng pagkakataong maging aktibista

BIHIRA ANG NABIBIGYAN NG PAGKAKATAONG MAGING AKTIBISTA

bihira lang ang nabibigyan ng pagkakataong
maging aktibista't ialay ang kanyang panahon
at buhay sa magagandang adhikain at layon
upang tuluyan nang baguhin ang sistema ngayon

pag nabigyan ka ng pagkakataong pambihira
huwag mong sayangin, maglingkod kang tunay sa madla
at makipagkaisa ka sa uring manggagawa
pagkat ang maging aktibista'y gawaing dakila

marami ang takot, tila nababahag ang buntot
maraming nangangambang manuligsa ng kurakot
tunay ngang mga aktibista'y di dapat matakot
kundi maging makatwiran, matatag, di bantulot

tara, maging aktibista, matutong manindigan
makibaka para sa pagbabago ng lipunan
maging prinsipyado, maging matatag, makatwiran
ipaglaban bawat karapatan ng mamamayan

mapalad ka kung nabigyan ka ng pagkakataong
maging aktibista't ialay ang buong panahon
at buhay sa magaganda't dakilang mithi't layon
upang tuluyang ibagsak ang mga panginoon!

- gregbituinjr.

Lunes, Abril 22, 2019

Tula sa Araw ng Daigdig (Earth Day) 2019

TULA SA ARAW NG DAIGDIG, ABRIL 22, 2019

Sinira na ng kapitalismo ang kalikasan
Winasak ng sistemang ito ang kapaligiran
Kayraming plastik na ginawa upang pagtubuan
Kayraming basura na ilog ang pinagtapunan.

Para maging troso'y nilagari ang mga puno
Mga bundok ay kinalbo para sa tanso't ginto
Ginawa'y mga single use plastic para sa tubo
Kayrami nang lupang minina, dulot ay siphayo.

Dahil sa coal-fired powerplant, kalikasa'y nawasak
Pagtatayo pa ng Kaliwa Dam ang binabalak
Panahon nang kapitalismo'y palitan, ibagsak
Itanim ang bagong sistemang kayganda ng pitak.

Ngayong Araw ng Daigdig, halina't magkaisa
At tayo'y kumilos upang baguhin ang sistema.

- gregbituinjr.

* Nilikha at binasa ng may-akda ang tulang ito sa raling pinangunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) na nagprograma sa harap ng Department of Agriculture (DA), nagmartsa at nagprograma sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), umaga ng Abril 22, 2019, Araw ng Daigdig (Earth Day).

Linggo, Abril 21, 2019

Binusog mo ako sa pagkain at pagmamahal

Binusog mo ako sa pagkain at pagmamahal
Kaya ako'y iyong-iyo, kasama sa almusal,
Sa tanghalian at hapunan, kahit napapagal
Ganyan nga ang pag-ibig na marahil magtatagal.

Bubusugin din kita sa pagkain at pag-ibig
Habang iniigib ko ang sa iyo'y ididilig
Sa kabila ng uhaw at gutom ay kapitbisig
Kaya di natutuyuan ng laway itong bibig.

- gregbituinjr.

Huwebes, Abril 18, 2019

Proteksyon laban sa pananakop at pandarambong ng ibang bansa

10
PROTEKSYON LABAN SA PANANAKOP AT PANDARAMBONG NG IBANG BANSA

papayag na ba tayong magpasakop sa mga Intsik
gayong payag ang pangulong pasakop sa mga switik
ginagahasa na ang bayan, dapat tayong umimik
ipagtanggol ang bayan, ang kalaban ma'y anong bagsik

unti-unti nang sinasakop ang ating kapuluan
subalit tila ang pangulo'y tatawa-tawa lamang
sabi'y Pilipinas daw ay dapat maging lalawigan
ng Tsina, wala raw tayong magawa't pasakop na lang

kakandidato sa Senado'y dapat wasto lumirip
kapakanan ng mamamayan ang dapat nasa isip
pangulo man ay parang lasing, sa Tsina'y sumisipsip
mamamayan ay dapat gising upang bansa'y masagip

dapat proteksyunan ang bayan laban sa pandarambong
at sa bantang pananakop nila'y di tayo uurong

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Kaunlarang para sa lahat ng mamamayan, hindi ng iilan

9
KAUNLARANG  PARA SA LAHAT NG MAMAMAYAN HINDI NG IILAN

ating panawagan sa mga kandidatong maangas
pati sa mga kandidatong matitino't parehas
kaunlaran ay para sa lahat, kayo'y maging patas
ito'y para sa bata, babae, pantas, ungas, hudas

dapat walang maiwan sa pag-unlad, lahat kasali
di lang ito para sa tuso't masibang negosyante
dapat kasama sa pag-unlad maging dukha't pulubi
ganito ang kandidatong sa bayan ay magsisilbi

may respeto sa manggagawang gumagawa ng yaman
ng lipunan, may respeto sa magsasakang sa bayan
ay nagpapakain tatlong beses bawat araw, buwan
o taon man ang bilangin ay laging naririyan

mga kandidato'y dapat pangkalahatan tumingin
walang maiiwan pagkat lahat ay makakakain

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Kalikasang malusog at ligtas

8
KALIKASANG MALUSOG AT LIGTAS

itigil ang pagmimina, igalang ang katutubo
mga single-use plastic ay bulto-bulto't halu-halo
isdang pulos plastik ang tiyan ay nakapanlulumo
upos na lumulutang sa dagat kaya'y maglalaho?

polusyon, maruming hangin sa atin ay maglulugmok
sa henerasyong ito kayraming mga kalbong bundok
minina ang lupain mula talampas hanggang tuktok
dahil sa mga coal plants, usok na'y nakasusulasok

kung tingin ng bawat kandidato sa puno ay troso
tiyak tingin sa paglilingkod sa bayan ay negosyo
di ganyan ang karapat-dapat sa bayan magserbisyo
di maninira ng mundo ang dapat nating iboto

mundong ito'y dapat kalikasang malusog at ligtas
dapat mga gawin ninyo'y makakalikasang batas

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Sapat na pagkain, trabaho at pabahay

7
SAPAT NA PAGKAIN, TRABAHO AT PABAHAY

tiyaking may sapat na pagkain sa bawat lamesa
dapat bigyang ayuda ng gobyerno ang magsasaka
lalo ngayong isinabatas na ang pagtataripa
sa bigas na siyang pangunahing pagkain ng masa

di dapat kontraktwal silang masisipag na obrero
na dapat regular sa trabaho't may sapat na sweldo
dapat kilalanin ang unyon nitong nagtatrabaho
at kontraktwalisasyon ay ibasura ngang totoo

nais ng mga maralita'y abotkayang pabahay
na ayon sa kakayahan nila'y mabayarang tunay
di barungbarong, mga materyales ay matibay
may bentilasyon, tahanang mapapaghingahang tunay

bawat kandidato'y dapat itong isinasaisip
upang buhay ng dukha sa karukhaan ay masagip

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Lipunang mapayapa at panatag

6
LIPUNANG MAPAYAPA AT PANATAG

nais natin ng peace and order, payapang pamayanan
di yaong kapayapaang tulad ng nasa libingan
di yaong order ng pinunong naglalaway sa tokhang
nais natin ay isang lipunang may kapanatagan

di isang lipunang tahimik dahil walang naririnig
nakatago ang hinaing, tortyur, hikbi, di madinig
kundi lipunang payapa, tao'y nagkakapitbisig
nagkakaisa sa isang makatarungang daigdig

nawa ang "guns, goons, gold" ay tigilan na ng mga trapo
lalo ng mga dinastiyang pulitikal na tuso
mga nang-aagaw ng lupa, namimili ng boto
upang magpayaman sa poder at di nagseserbisyo

karapat-dapat na kandidato ang ating piliiin
at mula sa mga mandarambong, bayan ay sagipin

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Proteksyon para sa mga nagtatanggol ng karapatang pantao

5
PROTEKSYON PARA SA MGA NAGTATANGGOL NG KARAPATANG PANTAO

mga human rights defender ay dapat lang proteksyunan
mula sa pamunuang binababoy ang karapatan
mga H.R.D. na patuloy na ipinaglalaban
ang wastong proseso,'t makatarungan sa mamamayan

tuso ang gobyernong sa ginto't pilak lang humahalik
walang pakialam sa tinokhang na mata'y tumurik
laging iwinasiwas ang espadang anong bagsik
sa kababayan, habang halos maglumuhod sa Intsik

libu-libo na'y nawalan ng buhay, nakakatakot
pinuntirya din ang H.R.D., nakapanghihilakbot
kaytapang sa kababayan, sa dayo'y bahag ang buntot
dapat maiwasto na rin ang ganitong mga gusot

mga kandidatong karapat-dapat, ito'y isipin
at hinaing ng mamamayan ay agad nilang dinggin

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Proteksyon sa mga inaapi at pinagsasamantalahang sektor

4
PROTEKSYON SA MGA INAAPI AT PINAGSASAMANTALAHANG SEKTOR

mga katutubo'y dapat igalang, pati kultura
huwag payagan yaong dam na wawasak sa kanila
dapat igalang ang kababaihan, pati lesbyana
ang kabataan ay dapat ilayo sa bisyo't droga

huwag hayaang yurakan ang kultura't identidad
ng bawat mamamayan, bulok na sistema'y ilantad
huwag hayaang hustisya'y tila pagong sa pag-usad
dapat bawat mamamayan ay kasama sa pag-unlad

mga obrero'y dapat maging regular sa trabaho
mga magsasaka'y ayudahan sa pag-aararo
mga vendor ay huwag hulihin sa munting negosyo
pagkat marangal silang nabubuhay dito sa mundo

upang proteksyunan ang maliliit, ang inaapi
karapat-dapat na kandidato'y piliing mabuti

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Hustisyang abot ng maralita at patas para sa lahat

3
HUSTISYANG ABOT NG MARALITA AT PATAS PARA SA LAHAT

ang asukal na gaano katamis ay walang lasa
pag di nararamdaman ng maralita ang hustisya
pumapait ang asukal sa langgam na nagdurusa
tulad ng dukhang ang buhay ng mahal ay kinuha

nanlaban daw ang maralita kaya tinokhang nila
habang  mayayamang durugista'y pagala-gala pa
bakit kaydaling paslangin, buhay ba ng dukha'y barya
habang buhay ng malalaking tao'y di nila kaya

marapat ba ang kandidatong tuwang-tuwa sa tokhang
upang durugista'y mabawasan, sila'y nalilibang
hinuli, walang proseso, parang dagang pinapaslang
hustisya't batas na'y binaboy ng mga salanggapang

magkano ang abugado, at magkano rin ang batas
hustisya'y dapat abot ng maralita't ito'y patas

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Pamahalaang sumusunod sa pandaigdigang pamantayan ng karapatan ng mamamayan

2
PAMAHALAANG SUMUSUNOD SA PANDAIGDIGANG
PAMANTAYAN NG KARAPATAN NG MAMAMAYAN

di usad pagong pag kumilala sa pandaigdigang
pamantayan ng karapatan ng bawat mamamayan
di rin parang langaw sa likod ng kalabaw sa yabang
na nakalagda raw sa pandaigdigang karapatan

Universal Declaration of Human Rights ay kilala
ngunit kilala lang ba, at di naman ito nabasa?
gobyerno'y di dapat buhay-diktador sa demokrasya
dapat marunong itong rumespeto sa kanyang masa

I.C.C.P.R. at I.C.E.S.C.R., di man batid
iginagalang ang kapwa, karapatan man ay lingid
di dapat sa kawalang-hustisya, kapwa'y binubulid
kundi ang bawat isa'y magturingang magkakapatid

dapat ito'y alam ng kandidatong karapat-dapat
sugat ng lipunan ay dapat malunasa't maampat

- gregbituinjr.

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado
* ICCPR = International Covenant on Civil and Political Rights; ICESCR = International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights

Paggu-gobyernong maka-karapatang pantao

1
PAGGU-GOBYERNONG MAKA-KARAPATANG PANTAO

nais natin ng paggu-gobyernong marunong gumalang
sa karapatan ng mamamayan mula pagkasilang
hanggang kamatayan, may dignidad kahit na gumulang
kaya galit tayo sa walang habas na pamamaslang

ang nais natin ay makatarungang paggu-gobyerno
na karapatan sa buhay ay sadyang nirerespeto
ang nais natin, di man banal ang nabotong pangulo
ay kumikilala sa buhay, karapatang pantao

tinitiyak ang kalusugan ng mamamayan natin
ospital ay murang maningil, mura rin ang pagkain
trabaho'y regular, sahod ng manggagawa'y sapat din
pabahay ng dukha'y matibay, tulog dito'y mahimbing

nais natin ng paggu-gubyernong tunay na may puso
kandidato'y tutok sa tao, di sa negosyo't tubo

- gregbituinjr

* Isa sa sampung isyu ng "Karapat Dapat - Karapatan Dapat" para sa mga kandidatong tumatakbo. Ito'y isang kampanyang inilunsad ng ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) para sa Botohan 2019, na may hashtag na #sampusigurado

Lunes, Abril 15, 2019

Sabado, Abril 13, 2019

Mahirap kung wala kang salapi'y walang karamay

MAHIRAP KUNG WALA KANG SALAPI'Y WALANG KARAMAY

mahirap kung wala kang salapi'y walang karamay
maysakit ka'y balewala ka, iyong naninilay
tila ba ang salapi'y magandang gamot sa lumbay
malulunasan ang puso mong napuno ng pilay

ganyan kadalasan ang buhay mong nararanasan
pag walang salapi'y walang kasangga't kaibigan
di ka papansinin, para kang tuod sa kawalan
walang-wala ka na'y wala na silang pakialam

saan ka na patungo kung wala ka nang salapi
tila ba buong bayan ang sa iyo'y namumuhi
ang sugat mong naging pilat ay muling humahapdi
buti pa noong may pera ka pa't di nasasawi

dahil ba walang pera'y bawal nang magpakatao?
iyan ba'y pamana ng sistemang kapitalismo?

- gregbituinjr.

Biyernes, Abril 12, 2019

Pagdalo sa ika-124 Unang Sigaw ng Kalayaan sa Yungib ng Pamitinan

Dumalo ang inyong lingkod sa paggunita sa ika-124 Unang Sigaw sa Pamitinan nina Gat Andres Bonifacio, (Abril 12, 1895, First Cry of Independence), kasama ang LGU ng Montalban, Rizal, at ang grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan), na namuno sa seremonya ng Kartilya ng Katipunan, sa bungad ng yungib ng Pamitinan, sa Brgy. Wawa, Montalban, Rizal, umaga ng Abril 12, 2019. - Greg Bituin Jr.

- mga litrato kuha ni Greg Bituin Jr.


















Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...