Sabado, Enero 18, 2025

Tampipì

TAMPIPÌ

sa krosword ko lang muling nakita
ang salitang kaytagal nawalâ
sa aking isip ngunit kayganda
upang maisama sa pagtulâ

labimpito pahalang: bagahe
at naging sagot ko ay: TAMPIPÌ
kaylalim na Tagalog kung tingni
na kaysarap bigkasin ng labì

sa Batangas ko unang narinig
sa lalawigan ng aking tatay
tampipì ang lagayan ng damit
maleta o bagahe ngang tunay

nababalikan ang nakaraan
sa nawalang salitang ganito
ay, salamat sa palaisipan
muling napapaalala ito

- gregoriovbituinjr.
01.18.2024

* krosword mula pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 16, 2024, p.10

Biyernes, Enero 17, 2025

Isa na namang kasabihan

ISA NA NAMANG KASABIHAN

animo'y makatang nagsalita
yaong kolumnista sa balita:
"Sa matuwid na pangangasiwa,
mabubura ang 'tamang hinala'!"

makabuluhan ang kasabihan
sa mga isyu niyang tinuran
paano ba pagtitiwalaan
ng madla iyang pamahalaan

tatlong ayuda'y tinurang kagyat
ang TUPAD, A.I.C.S. at AKAP
baka magamit ng trapong bundat
sa pulitika't kunwang paglingap

upang manalo lang sa eleksyon
lalong magkaroon ang mayroon
paano pipigilan ang gayon?
talagang ito'y malaking hamon

gahamang trapo'y dapat iwaksi
dangal ng dukha'y h'wag ipagbili
subalit kung sa gutom sakbibi
dalita ba'y ating masisisi?

paano tutulungan ang dukha
kung walang ayudang mapapala
lipunang ito'y palitang sadya
ito ang aking nasasadiwa

- gregoriovbituinjr.
01.17.2025

* mula sa kolum sa pahayagang Pang-Masa, Enero 17, 2025, p.3
* TUPAD - Tulong Pangkabuhayan sa Disadvantage
* AICS - Assistance to Individuals in Crisis
* AKAP - Ayuda para sa Kinakapos Ang Kita Program

Prayoridad

PRAYORIDAD

kayrami kong prayoridad na iniisip
na kinakayang dalhin ang anumang bitbit
pangalagaan ang misis na nagkasakit
pagbabasa ng dyaryo't librong nahahagip

pagsusulat sa Taliba ng Maralita
publikasyon ng KPML, nalathala
roon ang mga isyu at laban ng dukha
pati isyu't tindig ng uring manggagawa

talagang wala nang panahon sa inuman
mayroon sa rali, inuuna'y tahanan
gawaing bahay, luto, laba, kalinisan
pagkatha ng nobela'y pinaghahandaan

katha ng katha ng sanaysay, tula't kwento
pahinga'y sudoku't pagbabasa ng libro
sa ganyan umiinog ang munti kong mundo
sa pamilya, sa Taliba't kakathain ko

- gregoriovbituinjr.
01.17.2025

* KPML - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod

Huwebes, Enero 16, 2025

Edad 6, ginahasa ng edad 8 at 10, anang ulat

EDAD 6, GINAHASA NG EDAD 8 AT 10, ANANG ULAT

ano't mga bata pa'y nanggahasa
pinagtripan ang kapwa nila bata
sa magulang ba'y anong natutunan
bakit mga bata'y napabayaan

ginawa nila'y karima-rimarim
bakit ba nagawa ang gayong krimen
napanood kaya nilang nagse-sex
ang magulang, sa pornhub, o triple X

suspek na dalawang batang lalaki
hinila't ginahasa ang babae
nang batang babae'y umuwing bahay
nagsumbong sa ina't nagpa-barangay

nasabing mga suspek ay nahuli
at dinala sa DSWD
marahil doon lang, di mapipiit
dahil sa edad nilang mga paslit

anong nangyayari sa ating mundo?
dignidad ng kapwa ba'y naglalaho?
mga bata pa'y nagiging marahas
ano ang kulang? edukasyon? batas?

- gregoriovbituinjr.
01.16.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Enero 16, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Pagpili ng wastong salita

PAGPILI NG WASTONG SALITA

pagpili ng wastong salita
ay dapat gawin nating kusa
hindi iyang pagtutungayaw
na pag tumarak ay balaraw

wastong salita ang piliin
kapwa mo'y huwag lalaitin
porke mayaman ka't may datung
ay magaling ka na't marunong

huwag kang mapagsamantala
na ang kapwa mo'y minumura
magsalita ng mahinahon
mga problema'y may solusyon

ang maling salita'y masakit
lalo't ikaw ang nilalait
ang wastong salita'y respeto
at salamin ng pagkatao

- gregoriovbituinjr.
01.16.2025

* litrato mula sa Daang Onyx, malapit sa Dagonoy Market sa Maynila

Miyerkules, Enero 15, 2025

Pagbabasa ng kwentong OFW

PAGBABASA NG KWENTONG OFW

sabik din akong magbasa ng mga kwento
hinggil sa tunay na buhay, dukha, obrero
lalo na't aklat hinggil sa OFW
na minsan na ring sa Japan naranasan ko

nag-anim na buwan ako sa Hanamaki
na isang lungsod sa probinsya ng Iwate
alaala yaong sa buhay ko'y sakbibi
bago pa sa lansangan ay makapagrali

bagamat nakarating din ng ibang bayan
sa Thailand, Burma, at bumalik muling Thailand
bagamat sa Guangzhou, Tsina ay nilapagan
sa Pransya'y higit sambuwang Climate Walk naman

nais kong OFW'y kapanayamin
obrero sa piketlayn ay makausap din
upang maging bahagi ng aking sulatin
at maging paksa sa nobelang susulatin

- gregoriovbituinjr.
01.15.2025

Dalawang pagpapatiwakal

DALAWANG NAGPATIWAKAL

anong tindi ng balita sa Pang-Masa kahapon:
miyembro ng LGBTQIA+ ang naglason
ama at edad apat na anak ang nakabigti
sa inupahang apartment sa Lungsod ng Makati

ang una'y nasa cadaver bag ngunit may suicide note
na umano'y napagod nang maghanap ng trabaho
nagsawa na ba sa buhay? aba'y nakakatakot!
nang matagpuan siya'y nangalingasaw sa condo

ang anak at apo'y pinuntahan ng mag-asawa
upang anak nilang may depresyon ay kamustahin
subalit sila'y nabigla sa kanilang nakita
wala nang buhay ang apo't anak nila nang datnin

bakit pagpapatiwakal ang nakitang lulutas?
sa mga problema't winawakasan ang sarili?
nakalulungkot kahit may Mental Health Act na batas
patibayin pa ang batas upang di na mangyari

mapipigil ba ng batas ang pagpapakamatay?
o sariling desisyon nilang ito'y di mapigil?
o baka wala na silang makausap na tunay?
upang problema'y malutas? sarili'y kinikitil

- gregoriovbituinjr.
01.15.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Enero 14, 2025
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act

Ramboletra

RAMBOLETRA

may nabuo sa ramboletra
mga salitang SOURCE at COURSE na
at ay nagsalitan ba
nilalaro pag nag-iisa

sa nilatag na mga titik
ilang salitang maiisip
o mabubuo mo ng sabik
na sa diwa mo'y nakasilid

nilalaro sa app ng selpon
tila iyan ay isang misyon
na sa diwa ko'y humahamon
paano masasagot iyon

salamat at may ganitong app
na sa puso'y nakagagalak
kung lalasahan mo'y masarap
parang alak na nakaimbak

- gregoriovbituinjr.
01.15.2025

Martes, Enero 14, 2025

Pagsasama ng maluwat

PAGSASAMA NG MALUWAT

magkasama tayo sa hirap,
sa ginhawa't pinapangarap
ang bawat isa'y lumilingap
at buong pusong tinatanggap

kaya tayo'y naritong buo
at tinutupad ang pangako
na habambuhay na pagsuyo
sa pag-ibig ay di mabigo

pagmamahalan daw na tapat
ay pagsasama ng maluwat
sakaling mayroong manumbat
ay magkasundo pa rin dapat

bawat isa'y iniintindi
kahit sa bayan nagsisilbi
iyan ang aking masasabi
sa asawang laging katabi

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

Gamot mula sa balat ng bangus

GAMOT MULA SA BALAT NG BANGUS

talagang kahanga-hanga ang nadiskubre
ng mga aghamanon mula Ateneo
natuklasan nilang lunas pala sa lapnos
ang balat ng bangus, oo, balat ng bangus

kaysa nga naman basta itapon na lamang
ang balat ng bangus, bakit hindi tuklasin
ang gamit nito bilang panlunas sa paso
o lapnos sa balat, isang alternatibo

katulad din pala ng balat ng tilapya
na ginamit namang ointment na pinapahid
sa sugat sa balat upang ito'y gumaling
at selula ng balat ay muling mabuhay

talagang ako'y nagpupugay sa kanila
upang matulungan ang mga walang-wala
at sa mga aghamanon ng Ateneo
taospuso pong pasasalamat sa inyo

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, enero 11, 2025, p.6

Nilay sa munting silid

NILAY SA MUNTING SILID

nagninilay sa munting silid
dito'y di ako nauumid
bagamat minsan nasasamid
minsan may luhang nangingilid

kayraming napagninilayan
pawang isyu't paksang anuman
o kaya'y mga karanasan
pati hirap ng kalooban

sa mga sulatin ko'y paksa:
may hustisya pa ba sa bansa
para sa manggagawa't dukha
sa kababaihan at bata

bakit ba ang sistema'y bulok
at gahaman ang nasa tuktok
ito'y isang malaking dagok
ang ganito'y di ko malunok

kaya dapat pa ring kumilos
nang ganyang sistema'y matapos
wakasan ang pambubusabos
at sitwasyong kalunos-lunos

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

Denice Zamboanga, unang Pinay MMA World Champ

DENICE ZAMBOANGA, UNANG PINAY MMA WORLD CHAMP

kay Denice Zamboanga, taasnoong pagpupugay
dinala mo ang bandila ng bansa sa tagumpay
unang Pinay Mixed Martial Arts fighter na kampyong tunay
sa One Championship, O, Denice, mabuhay ka! mabuhay!

ang kanyang tagumpay ay talagang makasaysayan
pagkat mabigat na pagsubok yaong nalampasan
kanyang na-second round technical knockout ang kalaban
isang Ukrainian na katunggali sa Bangkok, Thailand

bente-syete anyos lang ang Pinay na mandirigma
tinalo niya'y ilang beses nang nakasagupa
women's Atomweight title ang napanalunang sadya
mayroon pang limampung libong dolyar na pabuya

nawa'y makamayan ng mga tagahanga niya
ang tubong Lungsod Quezon na si Denice Zamboanga
idol upang MMA ay itaguyod talaga
sa ating bansa; si Denice - inspirasyon ng masa

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, p.12, at Abante, p.8, petsang 12 Enero 2025

Dugtungang haiku, hay naku

DUGTUNGANG HAIKU, HAY NAKU

ang magsasaka
at uring manggagawa,
nakikibaka

kanilang asam
ang bulok na sistema'y
dapat maparam

makatang ito
ay katha ng katha ng
haiku, hay naku

pagkat tungkulin
niyang buhay ng masa'y
paksang tulain

kamuhi-muhi
iyang kapitalismong
dapat mapawi

ah, ibagsak na
ang kuhilang burgesya't
kapitalista

walang susuko
lipunang makatao'y
ating itayo

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

* ang haiku ay tulang Hapones na may pantigang 5-7-5

Lunes, Enero 13, 2025

5-anyos, powerlifter na

5-ANYOS, POWERLIFTER NA

di nga, edad lima pa lang sila
powerlifter na? at dalawa pa
ikaw naman ba'y mapapanganga?
o di kaya'y mapapahanga ka?

tatlumpung kilo ba'y mabubuhat
ng edad lima, nakagugulat!
sa paglaki, buto'y mababanat
lalo't sa ensayo'y walang puknat

may sinusundan ba silang bakas?
si gold medalist Hidilyn Diaz?
batang mayroong magandang bukas
na bubuhatin ang Pilipinas

tungo sa asam nilang tagumpay
ngayon pa lang, ako'y nagpupugay
bata pa'y powerlifter na tunay
kaya mabuhay kayo! mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
01.13.2025

* mula sa pahayagang Abante, 11 Enero 2025, p.8

Mental health problem na krimen?

MENTAL HEALTH PROBLEM NA KRIMEN?

kabaliwan ang ginawa ng anak sa magulang
ay, kalunos-lunos ang balita sa pahayagan
talagang punong-puno ng dugo at kalagiman
matatanong lang natin, bakit siya nagkaganyan?

aba'y pinaghahanap lamang siya ng trabaho!
bakit siya nagalit? durugista? siraulo?
mental health problem? o napika na ang isang ito?
dahil kinukulit ng magulang na magtrabaho?

ang edad ng nasabing tatay ay pitumpu't isa
habang edad limampu't walo naman yaong ina
at edad tatlumpu't tatlo naman ang anak nila
ibig sabihin, adulto na, dapat kumikita

talagang ang nangyaring krimen ay kahindik-hindik
karima-rimarim, talagang kaylupit ng suspek
magulang niya iyon, magulang niya'y humibik
hiling lang ng magulang ay magtrabaho ang lintik

sa follow-up operation, suspek ay nahuli rin
parricide at frustrated parricide ang kaso't krimen
ang Mental Health Act kaya'y ano ang dito'y pagtingin?
ah, di ako mapakali! kaylupit ng salarin!

- gregoriovbituinjr.
01.13.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar at pahayagang Abante Tonite, 6 Enero 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act

Linggo, Enero 12, 2025

Two-time jiu-jitsu world champ Meggie Ochoa

TWO-TIME JIU-JITSU WORLD CHAMP MEGGIE OCHOA

tatlumpu't apat na anyos lang si Meggie Ochoa
kilalang Pilipinang world champion jiu-jiteira
ngunit sa pambansang koponan ay retirado na
napabalita ang madamdamin niyang pasiya

bente tres anyos siya'y pinasok ang jiu-jitsu
pinagwagian ang pandaigdigang kampyonato
ng dalawang beses, two-time world champion pala ito
ah, napakabata pa upang siya'y magretiro

nakamit ang Jiu-jitsu World Championship sa Sweden,
United Arab Emirates, Turkmenistan, Asian Games,
Hangzhou, Thailand, Cambodia, nang mga medalya'y kamtin
nabanggit pa sa ulat, siya'y may hip injury rin

bilang jiu-jitsu black belter, isa niyang misyon
ay labanan din ang sexual abuse at eksploytasyon
sa kabataan, "Fight to Protect" ang proyektong layon
ay magturo ng martial arts sa kabataan iyon

sa iyo, Meggie Ochoa, salamat, pagpupugay
dahil pinakita mo sa jiu-jitsu ang husay
isang bayaning atleta, mabuhay ka! mabuhay!
sa kasaysayan, pangalan mo'y naukit nang tunay

- gregoriovbituinjr.
01.12.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, 7 Enero 2025, p.12

Pluma

PLUMA

nakatitig muli sa kisame
may pinagninilayan kagabi
hanggang mga mata'y napapikit
sa loob ay may kung anong bitbit

madaling araw, tangan ang pluma
ay isinulat yaong nakita
kayrami ng mga isyu't paksa
na naglabo-labo na sa diwa

kaya dapat ko lang maisulat
yaong samutsaring nadalumat
sa papel, sa likod ng resibo
o kaya'y sa munti kong kwaderno

pagsusulat ang madalas gawin
tutula bago pa man antukin
nasa isip ay kwento't salaysay
danas man ng dukha'y binabaybay

- gregoriovbituinjr.
01.12.2025

Sabado, Enero 11, 2025

Pagbabasa sa gabi

PAGBABASA SA GABI

madalas sa gabi ako nagbabasa
pag buong paligid ay natutulog na
napakatahimik
maliban sa hilik
aklat yaong tangan habang nag-iisa

sa ibang lupalop ako naglalakbay
sa ibang daigdig ako nabubuhay
habang naririnig
ang mga kuliglig
sa ibang lupain ako'y nagninilay

bukas pagkagising, babalik sa mundo
at pakikibaka'y punong-puno rito
mahal ang bilihin
nagmumura ka rin
namamayagpag pa'y gahaman at trapo

nagbabasa ako hanggang hatinggabi
at inuunawa ang tagong mensahe
may planong kumatha
ng kwento't pabula
pag biglang inantok, tutulog na dine

- gregoriovbituinjr.
01.11.2025

Tanong sa krosword: Ikli ng bakit

TANONG SA KROSWORD: IKLI NG BAKIT

ang kadalasang tanong: Pamalo ng bola
subalit ang tanong ngayon ay kakaiba
tila nadadalian na o nauumay
ang gumagawa ng krosword na anong husay

tatlong titik lamang, Pamalo ng bola: BAT
ngunit ngayon, tila ba tayo'y inaalat
Tatlumpu't Siyam Pahalang: Ikli ng bakit 
BAT pala, sa huntahan narinig malimit

Bat ganyan ka? pinaikling Bakit ganyan ka?
Bat di mo ligawan ang matandang dalaga?
Bat kasi pumunta ka sa gubat na iyon?
Bat mo pinabayaan ang anak mo roon?

bagamat sa panitikan ay di magamit
pagkat pabalbal ang Bat, ayos pa ang Bakit
sa mga awit man, sanaysay, kwento't tula
ay Bakit, at di Bat, di Batman ang makata

maaari ring tanong: Paniki sa Ingles
na tiyak na masasagot mo ng mabilis
Bakit ko gagamitin ang Bat kung di wasto
maliban kung ipampalo ng bola ito

- gregoriovbituinjr.
01.11.2025

* mula sa pahayagang Pang-Masa, 10 Enero 2025, p.7

Tagumpay

TAGUMPAY

oo, ilang beses mang dumating
kaytinding kabiguan sa atin
tayo'y magpatuloy sa layunin
tagumpay ay atin ding kakamtin

iyan ang bilin noon ni ama
noong siya ay nabubuhay pa
magsikilos tayong may pag-asa
at huwag namang magkanya-kanya

kapwa'y huwag hilahing pababa
dapat ay sama-samang paggawa
kahit kayo man ay maralita
ay magkapitbisig kayong sadya

sana'y kamtin natin ang tagumpay
sama-sama, di hiwa-hiwalay
ibahagi ang galing at husay
hanggang ginhawa'y tamuhing tunay

- gregoriovbituinjr.
01.11.2025

* mula sa cryptogram ng Philippine Star, 10 Enero, 2025, pahina 10
* "It is hard to fail, but it is worse never to have tried to succeed." ~ Theodore Roosevelt

Tampipì

TAMPIPÌ sa krosword ko lang muling nakita ang salitang kaytagal nawalâ sa aking isip ngunit kayganda upang maisama sa pagtulâ labimpito paha...